320 total views
Kapanalig, mas madalas ang ulan ngayon sa ating bayan, napapalibutan din tayo ng mga karagatan at ilog, pero ang water security ay isa pa rin sa mga isyu na dapat tutukan at paghandaan ng bayan.
Parami ng parami ang ating populasyon, parami rin ng parami ang mga gawain natin na mas nangangailangan ng mas maraming tubig. Hindi lamang ito ukol sa pag-inom, kapanalig, o pagluluto, o pagliligo. Hindi lamang sa mga kabahayan o households mahalaga ang tubig. Para sa mga bayan gaya ng Pilipinas na maraming tao ang nakasalalay sa agrikultura, ang tubig ay buhay at kabuhayan.
Tinatayang mga tatlong milyong Filipino ang naka-asa sa di ligtas at hindi sustainable na tubig at pitong milyong naman ang walang access sa sanitasyon. Pagdating naman sa irigasyon ayon sa National Irrigation Administration, mga 10.3 million ang agricultural lands sa ating bayan, at mga 3.1 dito ang irrigable. Sobra sa kalahati pa lamang nito ang na-develop na for irrigation.
Ang kakulangan sa access sa tubig ay malaki ang implikasyon sa ating bayan. Unang-una, sa sanitasyon at kalusugan ng mamamayan. Kung walang tubig, paano na lang ang basic hygiene and cleanliness ng mga mamamayan? Nagiging pribilehiyo na tuloy ang mga ito dahil sa kawalan ng access sa tubig ng marami pa nating mga kababayan. Sabi nga ng UNICEF, may mga anim na milyong Filipinos pa rin ang gawi ay open defecation at mga 20 milyon pa ang walang access sa sanitasyon. Kung walang tubig, iba-ibang uri ng sakit ang kakalat sa mga komunidad. Pagdating naman sa irigasyon, dahil sa kalumaan at degradation na ng ating mga irrigation systems, hindi na rin nakaabot ang sapat na tubig sa maraming mga sakahan sa bansa.
Maliban sa pag-aayos ng mga pasilidad upang mas lumawig ang access to water, kailangan din nating balensahin ang pangangalaga sa ating pinagkukunang tubig. Sa ngayon, nasa rank 57 tayo sa water stress index at may score na 3.01 water stress level. Ang ibig sabihin nito, mga 40% hanggang 80% ng ating total water supply ay maaaring mawala na pagdating ng 2040. Makakaramdam na tayo ng maigting water scarcity. Paano na ang katiyakan sa tubig ng bayan?
Kailangang maghanda tayo kapanalig, at maglatag na ng mga plano kung paano matitiyak ang water supply sa ating bansa. Hindi natin dapat isawalang-bahala ito. Paalala nga ni Pope Francis sa kanyang mensahe para sa World Day of Prayer for the Care of Creation noong 2018: Care for water sources and water basins is an urgent imperative. Ang pagtitiyak ng access dito ay isang human right at repleksyon ng climate at social justice sa ating bansa.
Sumainyo ang Katotohanan.