343 total views
Maliban sa patuloy na aktibidad ng Bulkang Taal, lubhang ikinababahala ngayon sa lalawigan ng Batangas ang paglaganap ng ubo at sipon, at ilang acute respiratory infections.
Ito’y bunsod ng patuloy na pagbuga ng sulfur dioxide o asupre mula sa Bulkang Taal na lubha nang nakakaapekto sa kalusugan ng mga residenteng nasa evacuation centers.
Ayon sa huling ulat ng Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC), maliban sa pamimigay ng gamot at N95 facemasks, hinihikayat nito ang paglalaan ng masusustansiyang pagkain upang patuloy na palakasin ang resistensiya ng mga apektadong residente.
Batay sa tala ng LASAC, nadagdagan na ang bilang ng mga pamilyang nagsilikas, kung saan ito ay aabot na sa 495-pamilya o 1,992 katao na nananatili ngayon sa mga evacuation centers ng lokal na pamahalaan.
Samantala, nagsagawa naman ng pagpupulong kagabi ang LASAC kasama si Lipa Archbishop Gilbert Garcera para sa paghahanda sa mga katolikong paaralan at parokya na nagnanais at may kakayahang maglaan ng ligtas na silid-kanlungan para sa mga evacuees.
Ito’y dahil inaasahang sa mga susunod pang araw ay posibleng umabot na sa higit 18,886 ang bilang ng mga internally displaced persons o mga nagsilikas na residente, kung saan ito ay kinabibilangan ng nasa 4,616 na mga pamilya.
Para naman sa mga nais magpaabot ng kanilang tulong at donasyon, kinakailangan munang makipag-ugnayan sa LASAC at mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang pagsunod sa mga itinakdang health protocols at maiwasan ang pagkukumpulan ng mga tao.
Patuloy namang nakaantabay ang social arm ng Arkidiyosesis ng Lipa, katuwang ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa sitwasyon ng Bulkang Taal.
Nakataas pa rin ito sa Alert Level 3, kung saan naitala ang 31 volcanic earthquakes, gayundin ang pinakamataas na antas ng pagbuga ng sulfur dioxide na umabot sa 14,699 tonelada kada araw.