1,798 total views
Inaanyayahan ng Apostolic Vicariate of Southern Arabia ang mga Pilipino sa United Arab Emirates na dumalo sa Misyong Pilipino 2023.
Ayon kay St. Joseph Cathedral Assistant Parish Priest Fr. Troadio de los Santos ito ang pagkakataong magbuklod ang mga migranteng Pilipino sa pagpalalim sa pananampalatayang kristiyano.
“Inaanyayahan ko ang lahat ng mga Katolikong pinoy sa Abu Dhabi, Musaffah at Ruwais na sama-sama tayong magnilay at magpatibay ng ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagdalo at pakikiisa sa taunan nating retreat.” pahayag ni Fr. de los Santos sa Radio Veritas.
Magbibigay ng panayam sa Misyong Pilipino 2023 si Quiapo Church Parochial Vicar Fr. Hans Magdurulang na nag-aanyaya rin sa mga katoliko sa Middle East na makiisa sa gawain at damhin ang pagpapala ng Panginoon.
“Ang Misyong Pilipino ay naglalayong magkaroon ng isang makabuluhan at maka Diyos na pamumuhay ang isang indibidwal at ito rin ay isang sandata o kalasag na maaring baunin ng isang OFW na humaharap sa maraming pagsubok ng buhay bilang manggagawang Pilipino abroad.” ayon kay Fr. Magdurulang.
Taong 2008 nang sinimulan ang Misyong Pilipino retreat sa iba’t ibang tema kung saan ngayon taon ito ay magninilay sa temang ‘Pagbabalik…Pagbabagong Buhay!’ lalo’t dumaan ang mundo sa matinding pagsubok dulot ng COVID-19 pandemic na lumaganap sa buong mundo mula 2020.
Itinakda ang pagtitipon sa September 25 hanggang 28 sa alas otso ng gabi sa St. Paul Church sa Mussafah; September 29 hanggang October 1 sa alas 7:30 ng gabi sa st. John the Baptist Church sa Ruwais; at St. Joseph Cathedral mula October 3 hanggang 6 sa alas otso ng gabi sa Abu Dhabi.
Umaasa si Fr. de los Santos at ang AVOSA sa aktibong pakikilahok ng mga Pilipino sa Misyong Pilipino 2023 upang higit mapagtibay ang pananampalataya.
Ayon sa taya noong 2019 sa humigit kumulang isang milyong katoliko sa UAE nasa 700-libo rito ay mga Pilipino.