1,376 total views
Mga Kapanalig, sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (o SWS) na ginawa noong Disyembre 2022, siyam sa bawat sampung Pilipino ang nagsabing nasisiyahan o satisfied sila sa kasalukuyang lagay ng demokrasya dito sa ating bansa. Anim sa bawat 10 Pilipino naman ang nagsabing lagi nilang pipiliin ang demokrasya kaysa sa pamamahalang authoritarian o nasa iisang tao lamang ang kapangyarihan.
Ano nga ba ang demokrasya? Ano nga ba ang halaga ng mataas na satisfaction ng mga Pilipino sa demokrasya?
Madalas na ginagamit ang “government by the people” bilang kahulugan ng demokrasya. Dito sa Pilipinas, binibigyan tayo ng kalayaang bumoto ng nais nating maging lider mula sa ating barangay hanggang sa pangulo ng bansa. Ngunit hindi lamang tuwing eleksyon may demokrasya. Araw-araw na pinoprotektahan ang karapatan ng bawat isa sa atin—bata man o matanda, mayaman man o mahirap, babae man o lalaki o anuman ang kaniyang kasarian—dahil tayo ay isang demokrasya. May mga paraan din ang mga taong makilahok sa iba’t ibang proseso ng pamamahala o governance. Kaya nga “government by the people”, pamamahala ng mga mamamayan. Mahalaga ang ambag ng bawat isa sa atin sa pagpapanatili ng demokrasya.
Ngunit ang ating pakikilahok o partisipasyon ay dapat nakabatay sa wasto at tamang impormasyon. Saan ba kumukuha ng impormasyon ang marami sa atin?
Ayon sa 2023 Global Digital Report ng We Are Social, 56% ng mga gumagamit ng internet sa ating bansa—ang mga nasa edad 16 hanggang 64—ay nanonood ng vlogs (o mga video blogs). Naglalaan ng tinatayang siyam na oras at labing-apat na minuto sa internet ang mga Pilipino bawat araw. At kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamaraming gumagamit ng social media.
Mahalagang malaman ang mga datos na ito. Gaya ng sinasabi sa Catholic social teaching na Centesimus Annus, kung hindi natin alam ang totoo, mawawalan ng pundasyon ang ating pagiging malaya, na pinahahalagahan sa isang demokratikong bansa. Tayo ay madaling mamamanipula, alam man natin o hindi.
Ang mga binanggit nating datos ay makapagbibigay sa atin ng ideya kung saan nga ba nanggagaling ang mga impormasyon ng mga Pilipino na siyang batayan ng ating mga ginagawa at pagpapasya. Suriin natin: mapagkakatiwalaan ba ang mga vlogs na pinapanood ng mga Pilipino? Paano kung ang mga ito ay nagpapakalat ng maling impormasyon o fake news? Paano natin ito lalabanan?
Magagamit din ang mga datos na ito ng pamahalaan at iba pang mga organisasyon, gaya ng mga nagtataguyod ng karapatang pantao, upang tukuyin ang pinakamainam na istratehiya upang magpalaganap ng tamang kaalaman. Maaari ding makatutulong ang mga ito upang mapaigting ng pamahalaan at mga internet service providers ang seguridad ng bawat Pilipinong gumagamit ng internet, lalo na ang mga batang madalas nabibiktima ng karahasan online. Iba’t iba ang maaaring pakinabang ng kaalaman kung saan nagmumula ang impormasyon ng mga Pilipino. Mahalagang kilalanin nating ang pagkakaroon ng iba’t ibang sources o pagkukunan ng tamang impormasyon ay ating karapatan na itinataguyod ng ating demokrasya. Ngunit kapag kasinungalingan ang umiiral sa ating lipunan at ginagamit itong instrumento ng mga ganid sa kapangyarihan, masasabi nga ba nating tunay ang demokrasyang ating pinahahalagahan?
Mga Kapanalig, kung totoong nasisiyahan ang mga Pilipino sa demokrasya, maging pagkakataon sana ito upang palakasin pa lalo ang pagtataguyod sa katotohanan at paglaban sa maling impormasyon. Maging mapanuri tayo sa mga kinokonsumo natin online, vlogs man yan, balita, o social media posts. Sabi nga sa Mga Kawikaan 4:24, “ilayo ang mga labi sa kasinungalingan.” Katotohanan ang pundasyon ng demokrasya, at kung pinahahalagahan natin ang demokrasya, huwag nating hayaang bulagin tayo ng kasinungalingan.
Sumainyo ang katotohanan.