272 total views
Hinimok ni Caloocan Bishop Emeritus Deogracias Iñiguez, Chairman ng Ecumenical Bishops Forum ang publiko na hanapin ang katotohanan bago ang paghuhusga sa sitwasyon na nangyayari sa bansa.
Ang reaksyon ng obispo ay kaugnay na rin sa pahayag ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na ‘crisis of truth’ na kinakaharap ng sambayanang Filipino dulot ng pagkakaiba sa mga katotohanang na pinaniniwalaan.
Sang-ayon din si Bishop Iñiguez sa panukala ni Cardinal Tagle na bumuo ng grupo at pag-aralan muna ang mga sitwasyon at hanapin ang katotohanan sa pamamagitan ng matibay na batayan.
“We should always look for the truth, and it is the truth that should be basis of our decisions not anything else,” ayon kay Bishop Iñiguez.
Unang naglabas ng pastoral letter ang Cardinal bunsod ng pagkakahati-hati ng mamamayan dahil na rin sa magkakaibang interpretasyon ng publiko at maging ng mga eksperto sa batas.
Giit pa ng obispo, ang iba’t ibang interpretasyon sa katotohanan ang nagdudulot ng pagkakahati-hati subalit ang tunay na katotohanan din ang magbubunsod sa pagkakaisa ng bawat Filipino.
“So, I would like to say that kaya sila nagkakahihiwa-hiwalay, iba-iba yung kanilang mga iniisip, iba-iba ang kanilang mga convictions, so what would say is that there is a truth as citizens of the country na dapat na nag u-unite sa atin. I think that is the greater factor that should influence us so that we always work together for the good of the people, for the good of the country,” ayon kay Bishop Iniguez.
Ilan sa mga isyung nais na talakayin sa mungkahing ‘study group’ ng cardinal ay ang ‘charter change’, pederalismo at quo warranto petition-na siyang ginamit na proseso sa pagpapatalsik kay dating Supreme Court chief Justice Maria Lourdes Sereno sa botong 8-6.
Sa inilabas na pastoral letter ni Cardinal Tagle noong Pentecost Sunday, idineklara rin niya ang petsa na May 20-31 bilang mga araw ng pag-aayuno at pagdarasal sa hangaring makamit ang katotohanan at kabutihan para sa mas nakakarami.