17,711 total views
Pinuri ng Climate Change Commission (CCC) ang kahalagahan ng epektibo at responsableng pamamahayag sa gitna ng kinakaharap na pagsubok sanhi ng pagkasira ng kalikasan at nararanasang krisis sa klima.
Ayon kay CCC vice chairperson and executive director Robert E.A. Borje, sinisikap ng mga journalist o mamamahayag na palakasin ang tinig ng mga sektor at pamayanang apektado ng mga pinsalang nangyayari sa kalikasan.
Ang mensahe ni Borje ay mula sa ginanap “Writing the Story of Our Generation” na inorganisa ng Climate Tracker Asia na layong pagtuunan ang mahalagang gampanin ng pamamahayag upang hubugin ang pang-unawa ng publiko hinggil sa climate change at positibong pagkilos para sa kalikasan.
“In an era marked by these challenges, the role of journalism in promoting awareness and advocating for sustainable solutions cannot be overstated. You – journalists – have the power to discuss difficult issues, and to tell the public the warning signs of a planet in distress. But these are also the stories that bring the reality of climate change into focus, urging us to act,” ayon kay Borje.
Hinimok ni Borje ang mamamayan na kilalanin at alamin ang mga hamon ng kalikasan nang sa gayo’y matukoy ang mga pamamaraang maaaring makatulong sa pangangalaga sa mundo.
Binigyang-diin din ng opisyal ang pangangailangan para sa mga kuwentong hindi lamang naglalarawan ng mga suliranin bagkus ay nagpapakita rin ng mga solusyon at pag-asa tulad ng tagumpay ng mga eksperto o siyentipiko, mga panawagan ng iba’t ibang grupo at sektor, at ang katatagan ng mga pamayanan.
“We must cultivate a deep respect for the intricate web of life that sustains us all, helping to move everyone toward positive change and responsible stewardship of our planet. We need stories that give hope, because hope drives action leading to positive change,” saad ni Borje.
Nangako naman ang CCC na itataguyod ang press freedom, transparency, at accountability, at pagsuporta sa mga mamamahayag upang higit pang mailapit sa mamamayan ang mga pangyayari at usapin kaugnay sa suliranin ng climate change.
Tuwing ikatlo ng Mayo ay ginugunita ang World Press Freedom Day upang kilalanin ang kahalagahan ng malayang pagpapahayag bilang mahalagang aspeto ng karapatang-pantao.