173 total views
Hinihikayat ni Father Genaro Diwa, rector at Parish Priest ng National Shrine and Parish of St. Michael and the Archangels, ang mga Parokyang may Patron ng Arkanghel na dumalo sa gaganaping talakayan tungkol sa mga anghel.
Ito ay isasagawa sa ika-29 ng Agosto, alas-7 ng gabi sa Audio-Visual Room ng Parokya sa San Miguel, Maynila.
Ayon pa kay Fr. Diwa-executive Secretary of CBCP Episcopal Commission on Liturgy, layunin nito na mapalalim pa ang pagkakaunawa ng mga mananampalataya sa katotohanan ng pagkakaroon ng mga Anghel, at ang tulong na naidudulot nito sa mga tao.
“Sa kapanahunan natin ngayon hindi natin maitatanggi na may Spiritual Warfare na nangyayari dito sa atin, sa ating Simbahan. Ang mga anghel ang tumutulong sa atin dito si San Miguel at ang mga Arkanghel. Ito po yung layunin ng Symposium, palalimin yung pang-unawa, tunay at tamang pang-unawa tungkol sa mga anghel at para makatulong din sa atin na gabayan tayo,” bahagi ng pahayag ng Pari sa Radyo Veritas.
Ang isasagawang pagtitipon ang ikalawang serye ng Symposium on Angels na pinangangasiwaan ng NSSMA.
Naniniwala si Father Diwa na higit na kinakailangan ngayon ng mga mananampalataya ang pag-aaral na ito lalo na sa mga kinakaharap na pagsubok ng bansa at ng pananampalatayang Katoliko Kristiyano.
Inaasahang mamumuno sa pag-aaral at pagbibigay ng pagninilay ang Kanyang Kabunyian Manila, Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Pasisinayaan din ang Museo delos Angeles ng parokya kung saan matatagpuan ang kasaysayan ng apat na daang taon ng Simbahan ng San Miguel Arkanghel.