362 total views
Ipagpatuloy ng bagong kinatawan ng Pilipinas sa Vatican ang mga programa na makatutulong sa mga Filipino sa lugar.
Ito ang mensahe ni Philippine Ambassador to the Holy See Myla Grace Macahilig nang pormal itong magsumite ng credentials sa Kanyang Kabanalan Francisco.
Sa panayam ni Radio Veritas Vatican Correspondent Fr. Angelito Cortes, OFM tiniyak ni Macahilig ang matapat na paglilingkod alinsunod sa panawagan ng Santo Papa na ‘respect humanity’.
“As a new ambassador, I intend to build on the works that have been done and perhaps highlight all the more yung mga bagong issues that are coming,” pahayag ni Macahilig sa Radio Veritas.
Nagagalak din ang opisyal sa pagkatalagang kinatawan ng Pilipinas sa Vatican makalipas ang mahigit dalawang dekadang panunungkulan sa Department of Foreign Affairs.
Sinabi ni Macahilig na bukod sa paglilingkod sa mga Filipino migrants magandang pagkakataon din ang paninilbihan nito lalo na sa pananampalatayang katoliko.
Tiniyak ng opisyal ang pagpapamalas ng kaugalian ng mga Filipino sa paglilingkod sa embahada ng Pilipinas sa Vatican at pagiging katuwang na misyonero ng simbahan sa kanyang larangan.
“I hope we will be able to serve yung immediate community natin dito and to represent the Philippines and the Filipino people in the best way we can,” ani Macahilig.
Panawagan din nito ang pagtutulungan upang higit na mapaglingkuran at matugunan ang pangangailangan ng mga Filipino sa ibayong dagat.
“Kailangan natin magtulungan in all things, we may not always see eye to eye 100-percent on all issues but definitely there are core values and core principles,” saad pa ni Macahilig.
Paiigtingin ng opisyal ang ugnayan ng dalawang bansa lalo’t ipinagdiriwang nito ang ika – 70 anibersaryo ng diplomatic relations.
November 20 nang magsumite ng credentials si Macahilig kay Pope Francis kabilang na ang sculpture ni San Lorenzo Ruiz, ang unang Filipinong santo.
Bukod sa ilang opisyal na dumalo sa pagtitipon bilang pagsalubong sa bagong kinatawan ng Pilipinas sa Vatican dumalo rin si Filipino Cardinal Luis Antonio Tagle, ang Prefect ng Congregation for the Evangelizations of Peoples.