229 total views
Hinikayat ng Caritas Manila ang mga mananampalataya na tangkilikin ang ‘Outdoor Kiosk’ ng Caritas Margins.
Ito ayon kay Fr. Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila ay kaugnay ng paglulunsad ng kauna-unahang ‘Outdoor Kiosk’ sa Diocese ng Cubao.
Ayon kay Fr. Pascual ang Outdoor Margins Store ng Caritas Manila ay naglalayong maging daluyan ng pagtutulungan ng mga mamimili at mga micro-entrepreneur na sinusuportahan ng Simbahan sa pamamagitan ng Caritas Manila-ang social action arm ng Archdiocese ng Manila upang matugunan ang pangangailangan ng mga maliliit na mamumuhunan sa bansa.
Ang kauna-unahang Caritas Margings Outdoor Kiosk ay inilunsad noong Linggo, ika-11 ng Nobyembre sa Our Lady of Fatima Parish Cordillera sa kanto ng Lourdes Castillo, Quezon City.
Ang parokya ay nasa ilalim ng pamumuno ni Fr. Henry Ferreras na siyang Kura Paroko ng Our Lady of Fatima Parish at Pangulo ng Caritas Cubao.
“Tayo ay nagpapasalamat sa Panginoon na nagbigay ng biyaya na magsimula ng isang Outdoor Margins Store na kung saan pini-feature natin ang mga Micro-Entrepreneurs na tinutulungan ng Simbahan sa buong Pilipinas at ito nga pinagpala tayo sa Parokya ng Our Lady of Fatima sa sponsorship ni Fr. Henry Ferreras ang Parish Priest dito nawa ay ang store na ito ay maging daluyan ng tulungan ng consumer at mga micro-entrepreneur na producer natin na mga sinusuportahan ng mga livelihood project ng ating Simbahan through Caritas Manila,” ang bahagi ng pahayag ni Fr. Pascual sa panayam sa Radyo Veritas.
Sakaling maging matagumpay ayon kay Fr. Pascual ay plano rin ng Caritas Manila na dagdagan pa ito at maglagay sa iba pang mga Parokya at Diyosesis upang mas mapalapit sa mga mananampalataya.
“Kapag nagtagumpay talaga ito, maglalagay pa tayo sa ibang lugar ng ganitong klaseng store outlet at ipagdasal natin na although meron tayo sa mga mall sinubukan rin natin itong mga outdoor store na ito. Syempre madaming tao sa Simbahan tuwing linggo ito ang ating pinag-i-eksperimentuhan, natural ang traffic sa mga parokya kaya’t tangkilikin nila ang mga programa ng Simbahan upang tayo ay tunay na makatulong sa kanila kaya ini-endorse natin ang Margins,” dagdag pa ng Pari.
Taong 2011 ng itinatag ng Caritas Manila ang Caritas Margins na naglalayong makatulong sa micro-entepreneurs partikular na sa mga mahihirap na kumunidad.
Sa kasalukuyan may aabot na sa 1,500 ang beneficiaries ng Caritas Margins mula sa mga mahihirap na kumunidad sa tulad ng Tondo, Baseco, Payatas at Navotas.