226 total views
Magdadaos ng Banal na pagdiriwang ang Diocese of Imus bilang tanda ng pagtatapos ng kanilang ika-10 taon ng Season of Creation ngayong ika-5 ng Oktubre.
Ito ay bilang bahagi rin ng pagdiriwang sa Kapistahan ni San Francisco de Asisi, ang patron ng kalikasan.
Tema sa pagdiriwang ang, “Kabataan at Sambayanan: Pagyamanin at Pangalagaan ang Kalikasan sa pamamagitan ng pag-iwas sa “Single-use plastics” at gamiting alternatibo ang Likas Yaman, sa tulong ng Banal na Santatlo.”
Alas nuebe ng umaga magdiriwang ng banal na misa sa St. John Marie Vianney Parish, Silang Cavite, na pangungunahan ni Diocese of Imus Bishop Reynaldo Evangelista.
Bago pa man ito, magbubukas na ang eco-market sa paligid ng simbahan kung saan makakabili ng mga makakalikasang produkto.
Mayroon ding exhibit na bukas para sa lahat, na tampok ang mga gawain ng pangangalaga sa kalikasan at ang kasaysayan ng Apostolado sa Pangangalaga sa Kalikasan ng Diocese of Imus.
Bukod dito, inaasahan na din sa pagdiriwang ang pag-uulat ng mga kabataan sa kalikasan, at mga paraan kung paano pa mapalalawig ang pangangalaga dito.
Nito lamang 2018, naitala ang Pilipinas bilang pangatlong bansa sa buong mundo na pinaka maraming nalilikhang plastic na basura, kaya naman isa sa pinaka layunin ng Diocese of Imus na mabawasan at tuluyan nang matigil ang paggamit nito.
Samantala, ang pagdiriwang naman ng Season of Creation ay unang inendorso sa Pilipinas ni dating Catholic Bishops Conference of the Philippines President, Cotabato Abp. Emeritus Orlando Cardinal Quevedo mula pa noong taong 2003.