26,579 total views
Nakatakdang pasinayaan ng Arnold Janssen Kalinga Foundation ang kauna-unahang EJK Memorial Site na tinaguriang ‘Dambana ng Paghilom’ na magsisilbing himalayan ng mga biktima ng extra-judicial killings.
Inihayag ni AJ Kalinga Foundation Inc. Founder and President Fr. Flavie Villanueva SVD na layunin ng ‘Dambana ng Paghilom’ na kauna-unahang EJK Memorial Site na mabigyan ng dignidad at pagpapahalaga ang lahat ng mga biktima ng EJK sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang naaangkop na himlayan at huling hantungan.
Ayon sa Pari, ang ‘Dambana ng Paghilom’ ay isa ring paalala sa kahalagahan at kasagraduhan ng buhay ng bawat nilalang na tila nakalimutan ng mga mamamayan sa ilalim ng pamamahala ng nakalipas na administrasyong Duterte.
“Para sa akin ang kahalagahan nitong memorial site, isang himlayan na may dangal ay isang pagpapakita na ang tao ay may dangal, ang tao ay dapat pagpahalagahan buhay o patay. Ito yung nakalimutan ng mga tao noong anim na taon na patayan ni [dating Pangulong] Rodrigo Duterte na walang habas na pinatay, pinaslang ng walang kalaban laban…” pagbabahagi ni Fr. Villanueva sa naganap na groundbreaking ceremony sa Dambana ng Paghilom noong Disyembre ng nakalipas na taon.
Nakatakda ang opisyal na inauguration ng Dambana ng Paghilom sa Mayo-a-uno, 2024 sa La Loma Catholic Cemetery, Caloocan City.
Inaanyayahan naman ang mga nagnanais na makibahagi sa pagpapasina sa kauna-unahang EJK Memorial Site na magsuot ng kulay putting damit bilang pakikiisa at suporta sa mga kapamilya ng mga biktima ng EJK.
Una ng inihayag ni Fr. Villanueva na aabot sa 400 na mga urns ng mga biktima ng EJK ang maaring ihimlay sa 100 espasyo ng Dambana ng Paghilom kung saan tatlo hanggang apat na mga urns ang maaring magkasya sa bawat isang espasyo.