12,098 total views
Tiniyak ng Caritas Manila na paiigtingin ang suporta at tulong sa mga katutubo upang makapagtapos ng karera sa kolehiyo.
Sa paggunita ng International Day of the Worlds Indigenous People’s, kinilala ni Caritas Manila Executive Director Fr.Anton CT Pascual ang kahalagahan ng mga katutubo sa pangangalaga sa kalikasan upang maiwasan ang matinding pinsala ng kalamidad sa mga tao at kanilang kabuhayan.
Sa pagdiriwang ng IDWIP, kinilala ni Fr.Pascual ang Mangyan scholar ng Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP) ng Caritas Manila na si Agiston Cabato mula sa Sablayan, Occidental Mindoro.
Sinabi ng Pari na si Agaton ang kauna-kaunahang katutubong YSLEP scholar na nakapagtapos ng kolehiyo sa kanilang komunidad.
“Sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Katutubong Mamamayan, ating itaas ang kamalayan tungkol sa mga kapatid nating katutubo, dahil sila rin ay may karapatang magkaroon ng magandang kinabukasan,” mensahe ng Caritas Manila. Ipinagmamalaki ng Social Arm ng Archdiocese of Manila na nagtapos si Cabato sa kursong Agriculture at layunin nitong maging isang licensed Agriculturist.
Bilang tulong sa layunin ng pamahalaan na makamit ang “food security”, inihayag ni Father Pascual na inirerekomenda ng Caritas Manila ang kursong agrikultura sa kanilang YSLEP scholars sa mga liblib na lugar sa bansa.
Ibinahagi ng pangulo ng Radio Veritas na isang libong slots para sa mga nagnanais kumuha ng agriculture related courses taon-taon sa hangaring patuloy na isusulong ang pagpapaunlad ng agrikultura ng Pilipinas para sa susunod na henerasyon.
Inihayag ni Fr.Pascual ang programa ng Caritas Manila na ma-develop ang “agri-entrepreneur at agri-business sa bansa.
“Mahirap ang programa para tayo ay makapaghanap ng mga kabataan na gustong bumalik sa pagsasaka at pangingisda, pero ito’y isang imperative, kailangan sapagkat ang bansa natin ay isang agricultural country, kailangan talaga, bumalik tayo sa agricultural sector pero kailangan, mas mechanized, modern ‘di ba. Kasi kung kagaya ng ginagawa ng mga lolo’t lola noon, na mga kalabaw pa rin, ay hindi na babalik ang kabataan diyan, at walang makitang kinabukasan. At napakababa ng kita ng magsasaka, kaya kailangan nating pag-isipan nang husto ang suporta ng gobyerno at ng private sector para madevelop natin ‘yung tinatawag na agri-entrepreneur, agri-business, magnegosyo ang mga kabataan sa bukid at sa dagat,“, pahayag ni Fr.Pascual sa Radio Veritas.
Sa kasalukuyan, mahigit kumulang ang YSLEP scholars ng Caritas Manila mula sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Sa datos ng United Nations (UN), 476-million lamang ang bilang ng mga indigenous peoples sa buong mundo.
Ipinagdiriwang ang IDWIP tuwing ika-9 ng Agosto na may temang “Protecting the rights of Indigenous Peoples in Voluntary Isolation and Initial Contact”