214 total views
Tanging sa pagkakaroon lamang ng ganap na kapayapaan sa Bansa magmumula ang maunlad at mapayapang pamumuhay ng mamamayan.
Ayon kay Kalookan Bishop Emeritus Deogracias Iniguez – Chairman ng Ecumenical Bishops Forum, lubos na mahalagang maisulong at maipagpatuloy ang Peacetalks o ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Pamahalaan at ng mga Komunistang grupo sa Bansa.
Dahil dito umaasa ang Obispo na magiging bukas ang isipan ng mga Opisyal ng Bayan na may tunay na pagmamalasakit sa Bansa na isulong ang usapang Pangkapayapaan.
Naninindigan si Bishop Iniguez na sa pamamagitan lamang ng Peace talks matatalakay ang mga naaangkop na hakbang kung papaano makakamit ang pangmatagalang kaayusan at kapayapaan.
“Bigyan ng pansin ng mga nagmamalasakit para sa bayan na maituloy ang Peacetalks between the Philippine Government at saka yung Democratic Front kasi ang kapayapaan yan yung General Situation natin para talagang mabuhay tayo ng nagkakaisa, mabuhay tayo sa kaunlaran…” pahayag ni Bishop Iniguez sa panayam sa Radyo Veritas.
Ipinaliwanag ng Obispo na tanging ang usapang pangkapayapaan lamang ang Solusyon upang magkaroon ng ganap na pagkakasundo ang iba’t ibang Rebeldeng grupo at ang Pamahalaan na sa loob ng mahabang panahon ay patuloy ang labanan.
Kaugnay nito, bago pa muling maisantabi ang usapang pangkapayapaan ay nakapagsagawa na ng 5th round ng Peace talks ang Pamahalaan at CPP-NPA-NDF panel na tumutok sa usapin ng Social and Economic Reforms.
Gayunpaman, batay sa tala ng Alliance for the Advancement of Poeple’s Rights o Karapatan mula noong May 2016 ay mahigit na sa 500 ang mga itinuturing na Political Prisoners ang ilegal na inaresto ng Pamahalaan.
Naunang binigyang diin ni Pope Francis na hindi kailanman makakamit ang kapayapaan sa Pamamagitan ng armas kundi sa isang payapang Dayalogo.