429 total views
August 12, 2020, 2:10PM
Kinikilala ng Panginoon ang pagod at hirap ng bawat isa sa paglilingkod sa kapwa na sa kabila ng pagiging abala ay hinikayat ang kaunting pahinga lalu na ngayong pandemya.
Ito ang pagninilay ng kaniyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle, ang Prefect of Propaganda Fide na nakabase sa Roma sa isinagawang Kaunting Pahinga: Recollection online for Filipino Frontliners with Cardinal Chito Tagle na inisyatibo ng Caritas Philippines at Dilaab Foundation.
Ayon sa kanyang Kabunyian, ang pagpapahinga ay isang pagkilala rin sa ating limitasyon bilang isang tao na kailangang magpahinga, kumain at magnilay.
“Nakikita ni Hesus ang pagod mo, at alam ni Hesus na marami kang kuwento at alam ni Hesus na maraming tao na gustong lumapit sa iyo parang walang katapusan lalu na sa panahong ito. Iba-iba ang dala, iba-ibang alalahanin iba-ibang worries, iba-ibang anxiety at iba-ibang physical conditions. Ano ang ibig sabihin ni Hesus sa iyo na ‘come to a deserted place rest a little and eat. Kumain ka,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Tagle.
Paalala rin ni Cardinal Tagle na hindi ito dapat ipagwalang bahala upang hindi makaligtaan ang ating pagkatao na mayroon ding pangangailangan.
“Sana po itong ating pinagdadaanan na pandemic na tayo ay tumutugon sana with all the social distancing with all the precautions with all the hard work sana itong imbitasyon ni Hesus kaunting pahinga ay magpaalala sa atin this is not just a case of a pandemic this is a human situation involving human beings involving whether patients, workers, it is about humanity,” ayon pa kay Cardinal Tagle.
Unang nanawagan ang medical frontliners ng 14-day time out dahil sa labis na bilang ng mga nahahawaan ng sakit na nagdudulot ng pagdami ng mga pasyenteng dapat kalingain sa mga pagamutan.
Bilang tugon, nagpatupad ng Modified Enhanced Community Quarantine ang pamahalaan sa Metro Manila at mga karatig lalawigan ng hanggang sa ika-18 ng Agosto upang mabawasan ang paglabas ng mga tao gayundin ang patuloy na pagdami ng mga nahahawaan ng virus.
Bago pa man magpatupad ng MECQ ang gobyerno, unang nagpatupad ang simbahan kabilang na ang Archdiocese of Manila at siyam pang mga diyosesis sa Metro Manila ng pansamantalang pagsasara ng mga pampublikong pagdiriwang bilang tugon sa panawagan ng mga frontliners.
Sa ulat ng Department of Health, higit na sa limanglibo ng mga health workers ang nahawaan ng Covid-19 kung saan higit sa 30 na ang mga nasawi sa kanilang hanay.