200 total views
Hindi sang-ayon ang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines hinggil sa kautusan sa Local Government Units na huwag i-anunsyo sa publiko ang brand ng vaccine na gagamitin sa pagbabakuna.
Ayon kay Military Bishop Oscar Jaime Florencio, na siyang Vice-Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Health Care, hindi ito patas para sa mamamayan lalo na’t hindi pa rin nawawala sa mga tao ang pangamba kaugnay sa bakuna.
Iginiit ng Obispo na karapatan ng mga taong malaman ang gamot na gagamitin sa kanila, para na rin sa kapanatagan ng kalooban lalo na ngayong pandemya.
“By the looks of it, it’s not just. We should know which vaccines are we being inoculated with,” pahayag ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Nauna namang nilinaw ng Department of Health na ang mga tatanggap ng bakuna ay kanilang aabisuhan tungkol sa brand ng bakuna bago ito mismo ibigay sa kanila.
Magugunitang ipinag-utos ng Department of the Interior and Local Government sa lahat ng LGUs na huwag i-aanunsyo ang mga brand ng vaccine na gagamitin sa pagbabakuna kasunod ng rekomendasyon ng DOH.
Ito’y matapos dumagsa ang mga tao sa vaccination sites sa Parañaque at Maynila nang malamang ang pinapamahaging brand ng vaccine ay sinasabing mas epektibo laban sa COVID-19.
Samantala, patuloy namang nananawagan ang CBCP sa pamahalaan na palaganapin ang information drive tungkol sa COVID-19 vaccine.
Ito’y upang mas mapaigting ang kaalaman at tiwala ng publiko lalo na’t ang karamihan ay nangangamba pa ring magpabakuna dahil sa maaaring maging epekto nito sa katawan ng tao.