356 total views
Edukasyon at pagbabahagi ng mga naaangkop na impormasyon sa halip na pagpapalaganap ng takot ang mas epektibong paraan upang tumugon ang mamamayan sa mga safety health protocol ngayong panahon ng pandemya.
Ito ang binigyang diin ng Commission on Human Rights (CHR) kasunod ng bagong utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na arestuhin at ikulong ang mga hindi nagsusuot o mali ang pagkakasuot ng face masks.
Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jacqueline Ann de Guia, mahalagang maipatupad ng may paggalang sa kapakanan at karapatan ng bawat mamamayan ang mahigpit na pagpapatupad ng pamahalaan ng mga panuntunan bilang pag-iingat sa pagkalat ng COVID-19.
Ipinaliwanag ni De Guia na hindi dapat malimitahan o ma-lockdown ang mga karapatang pantao ng bawat mamamayan.
“It is through intensive education and information campaigns, not fear, that would best result in better compliance with healthy and safety protocols during the pandemic. A human rights-based approach in addressing the pandemic requires a healthy and careful balance of protecting rights based on standards. We may be in quarantine due to the pandemic, but rights should not be on lockdown.”pahayag ni de Guia.
Nangangamba si de Guia na dahil wala pa ring malinaw na panuntunan o guidelines sa pagpapatupad ng panibagong kautusan ng Pangulong Duterte ay maaaring malantad sa pang-aabuso ang panghuhuli sa mga quarantine violators sa bansa.
“In the absence of clear guidelines, we are concerned that such directive may be prone to excessive discretion and abuse.” Dagdag pa ni Atty. Jacqueline Ann de Guia.
Pinangangambahan rin kumisyon na posible rin mauwi sa lalo pang pagdami ng mga kaso ng COVID-19 cases ang naturang kautusan ng pangulo.
“Given the overcrowded conditions of jails and other detention facilities in the Philippines, detention may not be sound in preventing the further spread of Covid-19 in communities.” Ayon pa kay de Guia.
Matatandaang unang ipinag-utos ng pamunuan ng Department of Justice at Philippine National Police na sa halip na tratuhin bilang mga kriminal ay patawan lamang ng community service ang mga mahuhuling quarantine violators.
Kaugnay nito, mariin ding naninindigan ang Simbahang Katolika sa pagbibigay halaga sa karapatang pantao at sa mismong buhay ng bawat nilalang na kaloob ng Panginoon.