170 total views
Binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco sa kanyang naging talumpati sa pagbisita sa Pilipinas ang hamon sa mga pulitiko na unahin ang kapakanan ng taong bayan at talikdan ang anumang uri ng katiwalian na isang salik sa patuloy na paghihirap ng taumbayan.
Sa ganitong konteksto, nagpahayag ng pagkadismaya si Rev. Fr. Atillano “Nonong” Fajardo – Chairman ng Archdiocese of Manila Public Affairs Ministry sa kawalan ng accountability o pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan sa mga nagaganap na katiwalian.
Tinukoy ng Pari ang ginagawang paglilipat lamang sa ibang ahensya ng Administrasyong Duterte sa mga opisyal na nauugnay sa katiwalian sa iba pang sangay ng pamahalaan tulad ng paglilipat kay Bureau of Customs Commissioner Isidro Lapeña sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
“Alam mo yung pagkalipat niya sa TESDA sa totoo lang, dapat una hindi siya inilipat dun, kasi dapat ni-relieve siya dahil may kaso pa siya dun (BOC). Hindi pa nga nareresolba inilipat na siya kahit nga ilipat siya sa TESDA hindi dapat na ginagawa yun at this point in time, pero the very fact na may kaso siya ibig sabihin nun magpapatong lang…” pahayag ni Father Fajardo sa panayam sa Radio Veritas.
Iginiit ni Fr. Fajardo na sa halip na ilipat ng ahensya o posisyon ang mga opisyal na may kasong ng katiwalian ay dapat tuluyang tanggalin ang mga ito sa posisyon upang maimbestigahan at mapanagot sa kanilang nagawang kasalanan.
Ipinaliwanag ng Pari na dahil sa paglilipat lamang sa mga opisyal na may kaugnayan sa mga anomalya at katiwalian ay nawawala rin ang accountability o pananagutan ng mga ito sa taumbayan.
“Hindi sila nagkakaroon ng accountability sa batas meron silang accountability dun sa Presidente, nirerelyebo lang sila so ibig sabihin kapag ni-relyebo lang sila ng Presidente yung kanilang dapat na accountability nawala na. Very very dangerous kasi parang pinatawad sila ngayon meron na silang utang na loob na naman sa Presidente at ganun yung nangyayari sa lahat ng officers, lipat lang ng lipat. inililipat lang yan sa kung saan saan, nawala na yung accountability sa taumbayan, sa batas tapos ngayon nagka-ikot ikot lang yan, so nakakalungkot yung ganung pamamaraan na nangyayari ngayon…” Dagdag pa ni Fr. Fajardo.
Ikinatwiran naman ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ang paglilipat kay Lapena ay matagal ng plano ng Pangulo upang mailigtas ang naturang opisyal mula sa mga intriga.