192 total views
Napakalawak ng problema o suliranin ng kawalan ng naaangkop na pabahay para sa mga mamamayan.
Ito ang inihayag ni Fr. Daniel Franklin Pilario, CM – Dean ng Saint Vincent School of Theology kaugnay sa isinagawang Global Homelessness Forum na dinaluhan ng mga kasaping kongregasyon ng Vincentian family.
Ayon sa Pari, mahalaga ang pagtutulungan ng iba’t ibang sektor ng lipunan tulad ng Simbahan, pamahalaan, civil society groups at maging ng mga komunidad upang matugunan ang problema ng pabahay sa ating bansa.
Paliwanag ni Fr. Pilario, mas magiging malawak ang matutulungang mga pamilya na walang sariling tahanan kung magsasama-sama ang lahat sa iisang layunin mapagkalooban ng permanenteng tahanan ang bawat pamilyang Filipino.
“dahil napakacomplex ang problema ng walang pabahay, ng homelessness ito’y kailangan ng response ng lahat ng sektor ng lipunan hindi lamang ng Simbahan, hindi lamang ng Vincentian Family kundi ng gobyerno, ng civil society at ng napakaraming taong tumutugon na sa homelessness. all this times we have been addressing the problem but individually pwede bang magsama-sama tayo? Gobyerno, Simbahan at saka Civil Society upang tugunan ito na ngayon”. pahayag ni Fr. Pilario sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito batay sa Global Homeless Statistics, 44 na porsyento ng mga Pilipino ang nananatiling walang maayos at permanenteng tirahan na matatagpuan sa Metro Manila.
Batay naman sa tala ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) nasa 5.5-milyong kabahayan pa ang kinakailangang ipatayo para sa mga mahihirap na Filipino at higit 1.4 na milyong kabahayan para sa mga biktima ng kalamidad sa bansa.
Samantala, inaasahang patuloy pang isusulong ng kongregasyon ang adbokasiya nito sa pagkakaloob ng mga tahanan sa bawat pamilyang Filipino bilang bahagi narin ng paggunita sa ika-400 Anibersaryo ng pagkakatatag ng Vincentian Family.