392 total views
Nababahala si Diocese of Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa kawalan ng maayos na programa para sa pabahay ng mga mahihirap na mamamayan partikular na sa mga patuloy na naninirahan sa mga daluyan ng tubig o waterways.
Sa pag-iikot ni Bishop David sa isang komunidad sa Navotas City kung saan namahagi ito ng mga gift certificates katuwang ang Caritas Manila, Caritas Kalookan at Accenture Philippines, sinabi nito na siya ay nalulungkot sa patuloy na suliranin ng mga mahihirap na nakatira sa nasabing lugar.
Naniniwala si Bishop David na dapat maging prayoridad ng pamahalaan ang programa para sa pabahay lalo na’t ang mga nakatira sa ganitong uri ng mga kabahayan ay hindi nakakatanggap ng sapat na benepisyo na bahagi ng kanilang karapatan bilang mamamayan.
Ikina-alarma din ng Obispo nang mapag-alamang nagbabayad ng hanggang sa isang libo at limang daang piso na buwanang renta ang ilan sa mga pamilyang nakatira sa mga barong-barong o Stilt houses.
Umaasa din ang upcoming CBCP President na matutulungan ang mga nasa nasabing komunidad na magkaroon ng mga sapat na dokumento gaya ng mga birth certificates sapagkat isa aniya ito sa mga nagiging hadlang upang makatanggap sila ng sapat na mga tulong o programa para sa kanilang mga pangangailangan.
“Nakakalungkot na hanggang ngayon hindi pa mabigyan ng prayoridad yun mga nasa waterways ang tagal na, na bahagi dapat ng housing priorities ng pamahalaan na ma-prioritize ang mga nasa waterways and nakakalungkot din na most of this people ay nagre-rent din at mas mahal pa ang rent nila sa tubigan kaysa sa mga pabahay but as usual the ‘pabahay’ are not enough at parang madami din kasi requirements and one of it of course ay mga dokumento. Many of this people ay undocumented, nakakalungkot na parang kahit certificate of live birth wala sila at kapag wala sila nun parang your like not an entity parang hindi ka Citizen ng bansa na ito and you cannot avail yourself of public services” Pahayag ni Bishop David sa panayam ng Radyo Veritas.
Sa kabila nito ipinagpapasalamat ni Bishop David na may mga pribadong grupo na nakikipagtulungan sa Simbahang Katolika upang makapagbigay ng ayuda sa mga mahihirap.
Nagpapasalamat ang Obispo ng Diyosesis ng Kalookan sa tulong na ibinabahagi ng iba’t-ibang institusyon para makapagbahagi ng ayuda sa mga dukha.
“Alam mo every centavo counts believe it or not every centavo counts, kaya natutuwa ako na may partners tayo sa Caritas like yung Accenture. Sa taong may kaya gasino lang yung P1,000 pero sa kanila malaking bagay na yun” dagdag pa ng Obispo na kilala din sa tawag na Bishop Ambo.
Batay sa datos, nasa 4.5 Milyong Pilipino ang naninirahan sa mga informal settlement kung saan nasa 3 milyon dito ay nasa Metro Manila.
Patuloy na sinisikap ng Simbahang Katolika na makapagbigay ng mga programa tulad ng scholarship, livelihood at maging pabahay upang maibsan ang nasabing suliranin sa bansa