553 total views
Kapanalig, abot kaya ba ang pabahay sa ating bansa?
Marami sa ating mga Pilipino ang nangangarap na magkaroon ng sariling bahay. Kaya nga lamang, ang pangarap na ito ay tila masyadong matayog; patuloy kasing tumataas ang presyo ng lupa at pabahay sa ating bansa.
Sa Metro Manila lamang, tinatayang 25% ng ga residente ay mga informal settlers, o sa salitang kalye, mga squatters. Mahal ng lupa sa mega city na ito, at habang lumilipas ang panahon, lalo pang tumataas, papalayo sa kamay ng maramng residente. Maliban sa mga informal settlers, tinatayang libo libo rin ang mga street people, o yaong sa kalye lamang nakatira.
Ano nga ba, kapanalig, ang solusyon sa tila pabalik balik at lumalaking problema ng pabahay sa bansa?
Ayon sa maraming mga informal settlers, hindi nagiging praktikal ang mga resettlement plans at sites ng pamahalaan dahil malayo ito sa trabaho. Wala silang choice kundi bumalik dahil gutom lamang ang inaabot nila doon. Para makarating sa trabaho, gagastos pa sila ng mas malaki, kaya tila walang kwenta rin ang kanilang paglipat. May bahay nga sila, wala naming laman ang kanilang mga sikmura.
Isa rin sa mga rason kung bakit maraming mga relocates ang bumabalik sa kanilang mga informal settlements o sa kalye sa Metro Manila ay dahil sa kalayuan din sa ilan pang mga batayang serbisyo gaya ng paaralan at mga health centers o hospital. Ang mga buntis ay natatakot maabutan ng kabuwanan sa mga relocation sites dahil kay hirap ng transportasyon. Ang mga paaralan ay malayo, o di kaya masikip. Ang tubig o sanitasyon ay kulang din, pati ang kuryente. Kay hirap nga naman magbayad sa mga serbisyong ito kung laging walang pera, dahil sa layo ng kabuhayan sa mga relocation sites.
Kapanalig, kailangan na ng bagong approach sa pabahay sa bansa. Kailangan na rin ng agresibong aksyon bago pa dumami ang bilang ng mga homeless sa atin. Kailangan ng agarang kilos bago lumalala ang problema.
Ang housing at homelessness ay mga isyung importante sa ating lipunan, Hindi lamang ito “shelter” o proteksyon, ito ay kaakibat ng ating dignidad. Pagnilayan natin ang mga kataga mula sa Octogesima Adveniens at nawa’t pakinggan ito ng ating pamahalaan: Ang pinakamahina sa ating lipunan ang laging biktima ng mga “dehumanizing living conditions.” Ito ay mapanganib para sa mga pamilya at nakakapanliit sa dignidad ng tao. Ang pabahay ay responsibilidad ng pamahalaan at dapat bigyan ito ng maayos na direksyon.