314 total views
Coal Power Plants ang itinuturong dahilan ng mamamayan ng Barangay Limao, Limay, Bataan sa pagkawala ng tubig sa kanilang lugar.
Ayon kay Derec Cabe Head ng Coal Free Bataan Movement, simula nang magtayo ng mga planta sa kanilang lalawigan ay natuyo ang mga balon ng tubig na nagsisilbing alternative supply ng buong barangay ng Limao.
“Mayaman ang Bataan sa mga spring water na free flowing hindi siya nauubos, ito yung alternative nila dun sa sinusupply ng water District,” pahayag ni Cabe sa Radyo Veritas.
Inihayag ni Cabe na sa pagkawala ng supply ng tubig mula sa free flow ay tumindi rin ang kakulangan sa supply na nagmumula naman sa water District.
“Yung mga free flow dati 24 hour supply yan, noong nagsimula yung mga Coal Plant, nawala na siya, natuyo na. Tapos itong supply ng tubig sa water district halos isang araw na nawawala,” dagdag pa ni Cabe.
Dalawang coal fired power plants ang kasalukuyang nakatayo sa bataan, ito ang GNPower Mariveles Coal Plant. Ltd. Co. at San Miguel Consolidated Power Corporation.
Nauna ring inireklamo ng grupo ang dalawang planta dahil sa ibinubugang 254 na toneladang abo araw-araw na nagdudulot ng masamang epekto sa kalusugan ng mamamayan.
Read:
http://www.veritas846.ph/mamamayan-ng-bataan-nagkakasakit-na-sa-usok-ng-coal-fired-power-plant/
Matatandaang, iminungkahi naman ni Pope Francis, sa encyclical nitong Laudato Si ang pagpapalawak sa pag-gamit ng renewable energy upang maibsan ang kakulangan sa kuryente, at mapalitan ang mga fossil fuels na nagdudulot ng pagkasira sa kalikasan.