575 total views
Mga Kapanalig, paraiso kung ituring ng marami ang Boracay. Nawawala ang pagod ng mga kababayan natin at maging ng mga dayuhang dumarayo roon upang magbakasyon, lalo na nitong kasagsagan ng panahon ng tag-init.
Ngunit sa likod ng maputi at pinong buhanging nilalaro ng agos ng asul na tubig-dagat, alam ba ninyong may mga kababayan tayo roong pinagkakaitan ng karapatan sa lupaing ipinagkaloob sa kanila ng gobyerno?
Nanganganib mawalan ng lupa ang mga kasapi ng tribong Ati matapos sang-ayunan ng Department of Agrarian Reform (o DAR) ang petisyon ng mga pribadong property developers. Sa naturang petisyon, sinabi ng mga developers na hindi angkop na sakahan ang lupang ipinamahagi sa mga katutubo.1 Matatandaang noong 2018, kasabay ng pagpapatupad ng pamahalaan ng Boracay Rehabilitation Program, ginawaran ng administrasyong Duterte ng Certificate of Land Ownership Award (o CLOA) ang 15 pamilyang Ati sa isla. Matatagpuan sa Barangay Manoc-Manoc ang kabuuang 4,800 square meters na lupang nakapaloob sa CLOA. Kabilang ito sa collective CLOA na ipinamahagi ng nakaraang administrasyon sa mga katutubo at magsasaka sa Boracay.
Ngunit sa pagkilala ng DAR sa petisyon ng mga pribadong property developers, mabibigyang-daan ang kanselasyon ng CLOA. Kung tuluyang mapapawalambisa ang CLOA, maaaring bilhin ng mga property developers ang lupang laan sa mga katutubong libong taon nang nakatira sa Boracay bago pa man ito maging isang sikat na tourist destination.
Ito ang pinangangambahan ng CBCP Episcopal Commission on Indigenous Peoples o ECIP na nasa ilalim ni Bishop Jose Corazon Tala-oc ng Kalibo. Sa isang pahayag, sinabi niyang naninindigan ang Simbahang Katoliko sa Pilipinas na ang mga Ati ang lehitimong may-ari ng lupang nakapaloob sa mga CLOA na ini-award ng administrasyon ni Pangulong Duterte noong 2018. Paano raw hindi angkop sa pagsasaka ang mga lupang kinukuwestyon ng mga mukhang nais bumili nito gayong doon kumukuha ng kanilang pagkain at kabuhayan ang mga Ati bago pa man sila bigyan ng CLOA? “The Boracay Atis are crying for justice, and we are with them,” pagsisiguro ni Bishop Tala-oc.
Ang bantang hinaharap ng mga kapatid nating Ati sa Boracay ay patunay ng walang patumanggang konsumerismo sa ating lipunan ngayon. Handa ang mga nais makinabang sa likas-yamang katulad ng lupa na paalisin ang mga katutubo at balewalain ang kanilang mga karapatan at ang kanilang kapakanan para lamang makapagtayo ng negosyong mapagkakakitaan.
Ang Simbahan—at maunawaan sana ito ng mga layko—ay kakampi ng mga katutubo. Sa Laudato Si’, isang Catholic social teaching, binibigyang-diin natin ang espesyal na pagkalinga at pakikipagkapatiran sa mga katutubo. Para sa mga katutubong katulad ng mga Ati sa Boracay, ang lupa ay hindi lamang isang produktong binibili at pinagkakakitaan. Isa itong biyayang kaloob ng Diyos at ipinamana ng kanilang mga ninuno. Higit sa ani mula sa kanilang mga tanim, ang kanilang pagkakakilanlan (o identity) at mga pinahahalagahan (o values) ay nakaugat at umuusbong sa lupa. Kaya sagradong biyaya para sa kanila ang lupa, at ito ang gumagabay sa kanila upang pangalagaan ang lahat ng nakapaloob dito.
Maliit kung tutuusin ang lupa sa Boracay na ipinamahagi ng gobyerno sa mga katutubo. Ito na nga lang ang naibalik sa kanila ng pamahalaan, ngunit heto at may mga gusto pang kunin ang kakarampot na lupang inaalagaan ng mga kapatid nating Ati. Paalala nga sa Lucas 12:15, “ang buhay ng tao ay wala sa dami ng kanyang kayamanan.” Aanhin ang kayamanang bunga ng pang-aagaw at pagsasantabi?
Mga Kapanalig, huwag sanang hayaan ng administrasyong Marcos na mawala sa mga katutubong Ati ang lupang ipinagkaloob sa kanila ng nakaraang administrasyon. Maging instrumento sana ito ng katarungan, hindi ng kasakiman ng iilan. Ang Simbahan, samantala, ay mananatiling nasa panig ng mga katutubo.
Sumainyo ang katotohanan.