468 total views
Magtitipon ang 1,000 lay employees at volunteer’s ng Archdiocese of Manila para magdasal ng Santo Rosaryo sa October 3, 2022.
Ayon kay Fr. Sanny De Claro, Episcopal Vicar for Lay Employees ng arkidiyosesis ito ay hudyat ng pagsisimula sa rosary month gayundin ang paghikayat sa mananampalataya na ugaliin ang pagdulog sa Panginoon sa pamamagitan ng Santo Rosaryo.
“This event is in conjunction with the opening of the October Rosary devotion. We wish to promote and encourage everyone to recite the rosary daily especially in the whole month of October,” pahayag ni Fr. De Claro.
Gaganapin ito sa Manila Cathedral mula alas 8:30 ng umaga na susundan ng Banal na Misang pangungunahan ng Kanyang Kabunyian Jose Cardinal Advincula.
Isasagawa ito sa harap ng nakadambanang imahe ng Our Lady of the Holy Rosary de La Naval na kamakailan ay nagsagawa ng dalaw patrona bilang paghahanda sa kapistahan sa October 7.
Una nang ideneklara ng simbahan sa Pilipinas ang buwan ng Oktubre bilang rosary month bilang pagpaparangal sa kapistahan ng Our Lady of the Most Holy Rosary tuwing October 7.
Batay sa Catholic tradition ang banal na rosaryo ay itinatag ng Mahal na Birheng Maria kung saan nagpakita ito kay St. Dominic noong ika – 13 siglo at nagbigay ng rosaryo kasabay ng kahilingang dasalin ang ‘Hail Mary, Our Father at Glory Be’ sa halip na usalin ang salmo o mga awit.
Si St. Dominic ang tagapagtatag ng Order of Preachers o Dominicans at ang orihinal na rosaryo nito ay may 15 decades.