461 total views
Ang bawat tao ay tinatawagan na maging Earth Keepers.
Ito ang paalala ni Diocese of Bangued Bishop Leopoldo Jaucian, chairman ng CBCP Episcopal Commission on Youth kaugnay sa isang buwang pagdiriwang ng Season of Creation at nararanasang mga kalamidad bunsod ng climate change.
Partikular na hinimok ng Obispo ang mga kabataan na ibalik ang kultura ng pagiging mapag-aruga sa kalikasan
Bukod dito, umaasa din si Bishop Jaucian na magiging instrumento ang bagong henerasyon upang maipakalat ang pagmamahal at pagtugon sa pananagutan ng tao na pag-ingatan ang inang kalikasan.
“Being chairman of the youth commission, hinihikayat ko ang lahat ng mga kabataan na talagang mahalin ang inang kalikasan at maging instrument ng Diyos sa pananagutan ng pagmamahal natin sa inang kalikasan. Sabi nga nila sa Student Catholic Action, let us be earth keepers,” bahagi ng pahayag ni Bishop Jaucian.
Sa pagsisimula ng Season of Creation ngayong 2017 ay nag-organisa ng malawakang pagkilos ang simbahang katolika sa Burnham Green, Luneta Park Manila.
Pinangunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang banal na misa at sinundan naman ito ng mga programa.
Mahigit sa 2,000 mamamayan ang nakilahok sa pagbubukas ng Season of Creation at sama-samang nag-alay ng panalangin bilang pagtalima sa World Day of Prayer for Care of Creation na itinalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco tuwing unang araw ng Septyembre.
Samantala, inaasahan namang muling dadagsa ang makikiisa sa pagtatapos ng Panahon ng Paglikha sa ika-4 ng Oktubre, kasabay ng kapistahan ni St. Francis of Asisi.