243 total views
Isabuhay ang misyon ng Diyos sa pangunguna ng Espiritu Santo.
Ito ang hamon sa mga Seminarista ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa Holy Spirit Mass na isinagawa sa pagbubukas ng Academic and Formation Year ngayong 2018 ng San Carlos Seminary.
Ayon sa Kardinal, isang dakilang tanda ng kababaang loob ang paghingi ng tulong at gabay sa pagsisimula ng taon at pagkilala sa limitadong kakayahan ng mga guro at mag-aaral na tanging Espiritu Santo lamang ang makapagpupuno sa kakulangan ng bawat isa.
“The Mass of the Holy Spirit is an act of humility on our part, act of humility on the part of the seminarians, the formators, the professors and the staff. By celebrating this mass, we acknowledged that we left our own human resources cannot learn everything and cannot teach everything.” pahayag ng Kardinal sa kanyang homiliya.
Dahil dito, ipinaalala ni Cardinal Tagle sa bawat isa na panatilihin ang kababaang loob sa kabila ng mga karunungang nakukuha ng mga propesor at mag-aaral.
Iginiit niya na ang kayabangan ang magpapabagsak sa isang tao, at tanging Espiritu Santo lamang ang tunay na makapaghuhubog sa bawat indibidwal upang makapamuhay si Hesus sa pagkatao ng bawat isa.
Ipinaliwanag din ni Cardinal Tagle na sa tulong ng Espiritu Santo ay malinaw na makikita ng bawat Seminarista ang kanilang mga tunay na misyong nagmula sa Panginoon.
Nilinaw ng Kardinal na ang pagpasok pa lamang sa seminaryo ay isa nang misyon para sa mga estudyante at mga guro na may magkakaibang tungkuling dapat gampanan upang buong pusong makapaglingkod sa Panginoon.
Sa kabila ng pagkakaiba-iba ng kulay, lahi, pag-uugali, at pinagmulang lugar, naniniwala ang Kardinal na ang bawat isa ay tinipon ng Espiritu ng Diyos upang magsama-sama sa misyong ipalaganap ang kanyang mga salita, at pagbuklurin ang sambayan sa pag-ibig.
“Lahat tayo may misyon, and it is a mission so that the word of Jesus and the very person of Jesus may be known. It is not that we are the ones to transform the world, time and again the Church teaching affirms, it is the Holy Spirit who is the main evangelizer, it is the Holy Spirit that is a main missioner sent by the Father through the Son, we can be missioners only because the Holy Spirit is the lead agent,” dagdag pa ng Kardinal.
Ang Holy Spirit Mass ay isang tradisyon na isinasagawa ng mga Catholic Schools at Catholic Institutions sa pagsisimula ng bawat taon.
Tinataya namang umabot sa 500 mga seminarista ang dumalo sa isinagawang Holy Spirit Mass sa San Carlos Seminary, Guadalupe, Makati.