6,884 total views
Pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Abp. Luis Antoni Cardinal Tagle ang pagbubukas ng Season of Creation ngayong unang araw ng Septyembre 2019 sa Liwasang Aurora Quezon Memorial Circle.
Kaisa sa banal na misa sina Cubao Bishop Honesto Ongtioco at Kalookan Bishop Pablo Virgiliio David.
Sa pagninilay ni Cardinal Tagle, binigyang diin nito ang kahalagahan ng kababaang loob at ang kagandahan ng pagsasalu-salo sa hapag.
HUMILITY, ROLE OF STEWARD
Inihayag ng Cardinal na isa sa pangunahing dahilan ng pagkasira ng kalikasan ay ang kayabangan ng tao.
Aniya, nawawala ang pagiging mapag-aruga ng tao sa kalikasan dahil sa pagnanais nito na maging mataas tulad ng Panginoon.
Sa ganitong dahilan umiiral ang kayabangan at paggiging gahaman ng tao na nais angkinin ang lahat sa mundo, sa halip na maging tagapag-alaga ng nilikha ng Panginoon.
“A steward is always humble, we are not the presumptive owners, we are stewards, the creator is the rightful owner. The creator wants creation to be a big, big web of gift, mutual giving for God is love. God does not need creation, but it is not a need, it is love. That is creation, that is the rule of the universe. Hndi maisusulong ang creation ng mga taong ilusyonado, ilusyonada na sila ang nagmamay-ari. Hindi po, tagapagalaga tayo. ”
Dagdag pa ni Cardinal Tagle, nakababahala ang pag-iral ng ganitong ugali ng tao na maging ang kanyang kapwa ay tinitignan bilang gamit na maaaring ibenta at pagkakitaan.
Ipinaalala ni Cardinal Tagle na ang tunay na pagiging steward o tagapangalaga ng Panginoon ay pagpapakita ng kapakumbabaan na naglilingkod sa Diyos at sa lahat ng Kan’yang nilalang.
THE BEAUTY OF MEALS
Samantala, binigyang diin rin ni Cardinal Tagle ang kagandahan ng pagsasalu-salo sa biyaya ng Panginoon.
Tinukoy nito ang kahulugan ng “meals” na hindi lamang ang pagkain ng isang tao, kun’di ang pagsasalu-salo at hindi ang pagiging makasarili sa biyaya ng kalikasan.
Ipinaalala nito na ang pagbabahaginan sa pagkaing nagmula sa Panginoon ay ang tunay na nagpapakita ng kahulugan ng tema ng Season of Creation ngayon na Web of Life.
“The expression web of life is experienced in a unique way of sharing meals. Kung mag-isa ka hindi meal yan, ang meal nagsasalu-salo kayo, the fruits of the earth and the work of human hands. Kapag sabay-sabay kayo na tututo ka to care, dahil ang kukunin mo yung sapat lang sayo, mayroon pang ibang kukuha.” Dagdag pa ng ng Cardinal.
Tinatayang apat na libong mga mananampalataya ang nakiisa sa ikatlong taon ng pagsasagawa ng Walk for Creation, bilang tanda ng pagbubukas ng Season of Creation tuwing unang araw ng Septyembre hanggang ika-4 ng Oktubre.
Kasabay naman nito, una nang idineklara ng Kanyang Kabanalan Francisco ang September 1, bilang World Day of Prayer fpr Care of Creation.