825 total views
Mga Kapanalig, mayroon ba sa inyong naniniwala pa ring may mga trabaho para lang sa mga lalaki o sa mga babae? O kaya nama’y gawaing mas kaya ng mga kalalakihan kaysa sa mga kababaihan?
Ayon sa resulta ng pag-aaral ng United Nations Development Programme (o UNDP), 99.5% o siyam sa sampu ng kabuuang populasyon sa Pilipinas ay mayroon pa ring “bias” laban sa mga kababaihan. Binanggit ng pag-aaral ang iba’t ibang “bias” o pagtingin o kaisipan laban sa mga kababaihan gaya ng mas mababang karapatan at kapasidad, na siyang nagiging dahilan para maging limitado ang oportunidad na nakalaan para sa kanila.
Ayon sa pagsusuri sa datos ng UNDP ng isang eksperto sa karapatan ng mga kababaihan, litaw sa dimensyon ng pulitika ang gender bias laban sa mga kababaihan. Tatlo sa apat ang naniniwalang mas angkop na magkaroon ng posisyon o manguna sa pamahalaan ang mga lalaki kaysa sa mga babae. Malaking salik ang pagkakaroon ng lider ng estado na lantarang nagpapakita ng pagkapoot sa mga babae sa pamamagitan ng diskriminasyon, paninira, at karahasan. Kabilang din sa pag-aaral ang dami at laki ng inaasahang mga “dapat” na ginagawa ng mga kababaihan. Halimbawa nito ang mga gawain sa loob ng bahay na kalimitang tinitingnan bilang para sa mga kababaihan lang gaya ng paglilinis, pagluluto, pag-aalaga ng mga bata o iba pang miyembro ng pamilya, at marami pang iba.
Bagaman may pag-usad na sa aspeto ng gender equality gaya ng pagsusulong sa mga programa, batas, at polisiya para sa pagkakapantay-pantay ng kasarian, nananatiling hindi patas ang lipunan para sa kababaihan. Isang katotohanang patuloy ang pakikipaglaban para sa karapatan ng mga kababaihan sa istruktura ng ating lipunan dahil talamak pa rin ang mababang pagtingin sa kakayahan ng mga kababaihan. Ang mas nakalulungkot, 99.67% ng mga babae mula sa pag-aaral ay mismong may bias laban sa kanilang kasarian. Ibig sabihin, para sa kanila, “natural o hindi maiiwasan” ang mga ganitong pagtingin laban sa kanilang kasarian. Nakalulungkot ang pagtanggap ng mismong mga kababaihan sa kanilang katayuan sa lipunan at ipinakikita lamang nito na mas kailangan pang pag-igihin ang mga pagsisikap ng ating mga komunidad at ng pamahalaan sa pagbibigay-kapangyarihan sa hanay ng mga
kababaihan. Dahil dito, kailangan pang itaas ang kamalayan ng bawat isa sa atin tungkol sa mga isyung kinahaharap ng mga kababaihan na siyang nagiging hadlang para sa kanilang pag-unlad.
Mga Kapanalig, hindi matatawaran ang kontribusyon ng mga kababaihan mula sa loob ng ating mga tahanan hanggang sa lipunan. Huwag natin hayaang pasanin ng mga kababaihan ang diskriminasyon at hindi pagkakapantay-pantay na naididikit sa kanilang kasarian. Sinabi ni Pope Francis na kaloob sa lipunan ang mga kababaihan, ngunit magpapatuloy ang laban nila para sa kanilang mga pangunahing karapatan hangga’t may mga lugar sa mundo kung saan hindi pantay na pinahahalagahan ang mga kababaihan. Para sa Santo Papa, kapuna-puna ang pagtrato sa mga kabbaihan bilang “second-class citizens”. Aniya, hindi raw susulong o lalago ang isang lipunang hindi inilalagay ang mga kababaihan sa nararapat nitong estado sa lipunan.
Gaya rin ng paalala sa Efeso 2:14, sa pamamagitan ng kamatayan ni Hesukristo, pinagkasundo niya tayo. Pinag-isa niya ang ang dalawang magkaibang grupo sa pamamagitan ng paggiba sa pader na naghihiwalay sa atin. Panahon na para makita at ituring natin ang mga kababaihan na malayang ipakita at gawin ang anumang ginagawa ng mga kalalakihan dahil kayang-kaya itong higitan ng mga kababaihan.
Sumainyo ang katotohanan.