504 total views
Ito ang mensahe ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa mga susunod na lider ng bansa kaugnay sa patuloy na pagiging malapit ng Pilipinas sa China.
Ipinaliwanag ng Obispo na hindi masama ang pakikipagkaibigan subalit dapat manindigan ang bansa lalo na sa usapin ng West Philippine Sea.
Ito rin ang pananaw ng opisyal hinggil sa sitwasyon ng Ukraine na kasalukuyang lumalaban sa Russia sa tangkang pananakop.
“Ang pangyayari sa Ukraine ay mensahe rin sa atin sa Pilipinas ngayong naghahanda tayong pumili ng mga leaders natin. Maging maingat tayo sa dambuhalang kalapit na bansa natin. Maging maingat tayo sa Tsina. Huwag tayo basta-bastang magpapadala sa kanila. Hindi natin alam ang balak nila. Kaya, keep distance amigo!,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Pabillo.
Inihayag ng Obispo na nakababahala ang pananakop ng Russia sa maliit na bansang Ukraine kung saan milyung-milyong residente ang apektado ng digmaan kabilang na ang mga bata.
Iginiit ni Bishop Pabillo na dapat isapuso ng mga Filipino lalo na sa mahigit 60-milyong botante ang wastong pagpili ng mga lider ng bansa na handang manindigan laban sa China at igiit ang karapatan ng Pilipinas sa mga teritoryong sakop ng bansa.
“Kailangan natin ng leader ng ating bansa na may lakas ng loob na maninindigan para sa ating karapatan sa harap ng Tsina,” ani Bishop Pabillo.
Puspusan ang bansa sa paghahanda sa nalalapit na halalan sa Mayo at pinalalakas ng simbahan ang voter’s education campaign na layong tulungan ang mga botante na kilalanin ang karakter ng bawat kandidato na handang magtataguyod sa kabutihan ng mamamayan.
Kabilang na rito ang One Godly Vote ng Archdiocese of Manila na mapakikinggan sa Radio Veritas tuwing alas otso hanggang alas diyes ng umaga Lunes hanggang Biyernes.