283 total views
Pinag-aaralan ng Commission on Human Rights ang anggulong pamumulitika at nalalapit na halalan sa ika-9 ng Mayo ang ugat ng madugong dispersal sa protesta ng mga magsasaka sa Kidapawan, North Cotabato.
Inamin ni Commission on Human Rights Chairman Jose Luis Martin Gascon sa unang ulat sa bayan ng Bantay Karapatan sa Halalan na ilang teorya ang tinitingnan ng komisyon na maaring mag-ugnay sa naganap na insidente bilang isang “election related violence”.
Sa kabila nito, inihayag ni Chairman Gascon na malinaw na paglabag sa Right to Food, Freedom of Assembly at Course of Crowd Dispersal ang naganap na insidente sa Kidapawan.
“May mga teorya at iba pa, na maaring Election related ito. Tititingnan din po natin ito, bahagi rin po ito ng ating ini-imbestigahan but right now we are not treating this as an election related violence mas nakatutok po ito mass a Right to Food, freedom of Assembly at of course yung tutuk ng aming imbestigasyon ay yung mga accountability ng violence that occur in the course of crowd dispersal..” pahayag ni Gascon sa Radio Veritas.
Inihayag naman ng Bantay Karapatan sa Halalan na mula ng magsimula ang pangangampanya noong buwan ng Pebrero hanggang Marso, umaabot na sa 14 ang kumpirmadong kaso ng Election Related Killings na naitala sa Region 1, 4-A at Region 9.
Naitala rin ang higit 23 kaso ng pamamaril sa kabila ng ipinatutupad na Election Gun Ban na nagsimula noong ika-10 ng Enero bukod pa dito ang nasa 49 na kaso ng pagpatay na kasalukuyan paring iniimbestigahan.