183 total views
Nag-alay ng panalangin at pakikiramay si Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud sa mga mananampalataya ng Batanes kaugnay sa nalalapit na paglilibing kay Basco, Batanes Bishop Emeritus Camilo Gregorio.
Ayon kay Bishop Bancud, nawa sa pamamagitan ni Bishop Gregorio ay mas makilala ng mga mananampalataya ang biyaya ng bagong buhay na kaloob ng Diyos para sa lahat.
“Hinihiling ko yung panalangin upang sa gayon, ang buong sambayanan ng Diyos ay gamitin ang pagkakataong ito upang ating lubos na kilalanin ang biyaya ng bagong buhay na kaloob ng Diyos para sa ating lahat. Magkaisa tayo at manalangin upang sa gayon, ang ating minamahal na si Bishop Camillo Gregorio ay ipagkaloob sa kanya ng Diyos ang pangako ng buhay na walang hanggan.” Pahayag ni Bishop Bancud sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ni Bishop Bancud na sa paglisan ng isang mabuting Pastol ng Simbahang Katolika, nawa ay alalahanin ng mga mananampalataya ang inialay nitong pag-aalaga at paggabay nang siya ay nabubuhay pa at gamitin ito upang mas mapalapit sa Panginoon.
“Para sa mga mananampalataya ng Batanes, ako’y nakikiramay sa inyong lahat sa ngalan ng mga kaparian ng Diyosesis ng Cabanatuan, hari nawa itong ating huling pamamaalam kay Bishop Camillo, dala natin ang ating ala-ala ng kanyang pag-aalaga sa atin at paggabay sa atin, upang lalo tayong mapalapit sa ating Panginoon.” Dagdag pa ng Obispo.
Bukas, ika-28 ng Mayo nakatakda ang Funeral Mass at internment ni Bishop Gregorio sa Katedral ng Santo Domingo De Guzman sa Basco Batanes.
Si Bishop Gregorio ang naging pang-apat na Obispo ng Basco, at siya ay pinalitan ni Bishop Danilo Ulep matapos itong magretiro noong Mayo nang nakaraang taon.