236 total views
Nararapat kilalanin ng mga otoridad ang mga alintuntunin o partikular na mga batas na nagbibigay proteksiyon sa mga kabataan na nakagawa ng kasalanan.
Ito ang binigyang diin ni Rev. Fr. Conegundo Garganta – Executive Secretary ng CBCP Episcopal Commission on Youth kaugnay sa pagtugon ng mga alagad ng batas sa kaso ng mga menor de edad na nakagawa ng pagkakamali o nagkasala sa batas.
Ayon sa Pari, sa kabila ng pagkakalihis ng direksyon ng mga kabataang lumabag sa batas ay mayroon silang mga karapatan na kinakailangang bigyang paggalang upang matulungan ang mga ito na maitama ang kanilang pagkakamali at makapagbagong buhay.
“Kilalanin din po natin yung mga guidelines at saka yung parameters or limitations na hinihingi ng batas na may kaugnayan para sa pagkilala pa rin natin ng karapatan ng mga minors o ng mga kabataan kahit po sila ay nakagawa ng krimen o ng paglihis, paglabag sa batas, sila rin po ay may mga karapatan kung saan matutulungan sila makita nila ang kanilang sarili sa kanilang naging kamalian…” pahayag ni Father Garganta sa panayam sa Radio Veritas.
Iginiit ng Pari na may mga batas na nagbibigay proteksiyon sa mga kabataan na may kaakibat na pamamaraan upang maitama ang kanilang pagkakamali.
“Meron po tayong paanyaya at panawagan din para sa ating nasa pagpapatupad ng batas lalo na ukol sa mga kabataan o yung tinatawag natin na delinquents or minors na meron po tayong pamantayan na alam nating nakapaloob rin sa batas at sana poi to ay ating naipatutupad” Dagdag pa ni Father Garganta.
Nasasaad sa Juvenile Justice Law o RA 9344 na naamyendahan ng Republic Act 10630o JUVENILE JUSTICE AND WELFARE ACT OF 2006 na ang mga kabataang edad 18-taong gulang pababa ay wala pang kriminal na pananagutan sa halip ay dapat na ipasailalim sa intervention program maliban na lamang kung isinagawa ang krimen ng may buong pag-intindi o pag-unawa na magbubunsod upang isailalim sa naangkop na paglilitis.
Bukod dito, dapat ding bigyan ng espesyal na pagtrato ang mga kabataang nagkasala sa batas lalo na sa pagharap sa korte kung saan dapat ding isailalim ang mga ito sa pisikal at mental na pagsusuri.
Iginiit ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines na gabay, kalinga at atensiyon ang kinakailangan ng mga batang criminal offender upang maituwid ang kanilang pagkakamali at maging mabuting mamamayan sa halip na ikulong kasama ang mga kriminal.