9,488 total views
Nanawagan ang mga katutubo mula sa Mindanao na isama ang kanilang mga karapatan sa nalalapit na pagsasabatas ng Bangsamoro Basic Law.
Ayon kay Timuay Leticio Datuwata – Lambangian Tribal Leader, mula sa South Upi, Maguindanao, mahigit na sa tatlong linggong namamalagi ang kanilang grupo sa Metro Manila upang iparating sa mga mambabatas ang kanilang mensahe na dapat kilalanin ang karapatan ng mga Lumad ng Mindanao.
Nababahala si Datu na ang in-adopt na bersiyon ng BBL ay mula sa Bangsamoro Transition Commission na walang nakapaloob na kumikilala sa karapatan ng mga katutubo lalong lalo na sa kanilang lupang minana.
“Kami ay nababahala lalong-lalo na nung in-adopt ng committee yung Bangsamoro Basic Law draft ng BTC (Bangsamoro Transition Commission) version, ay walang napaloob na kumikilala sa mga karapatan ng mga katutubo lalong lalo na sa territory ng proposed Bangsamoro Basic Law. So ang aming ginawa dito ay nag lo-lobby sa bawat kongresista at senador para maipasok yung aming karapatan para makilala sa pamamagitan ng Republic Act. 8371.” pahayag ni Datu sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, naninindigan din si Mabel Carumba–Secretary General ng Mindanao People’s Peace Movement na hindi lamang dapat mga muslim ang kilalanin sa Bangsamoro Basic Law kundi marapat din ang mga katutubong matagal nang naninirahan sa Mindanao.
Naniniwala si Carumba na kung ang mga Bangsamoro ay nakaranas ng kawalang katarungan ay gayundin naman ang naranasan ng mga katutubo lalo na sa usapin ng pag-agaw sa kanilang mga lupain.
“Kung sinasabi natin na ang Bangsamoro Basic Law ay sumasagot sa mga historical injustices na na-commit against the Bangsamoro People, bakit hindi na lang natin sagutin yung lahat ng historical injustices na naranasan ng mamamayan ng Mindanao at hindi lang naman yung Bangsamoro na nakaranas ng mga ganitong historical injustices cases ng marginalization ng minority, andyan din yung mga kapatid natin na mga katutubo na sa loob ng maraming centuries at dekada ay nanirahan at napaloob dun sa Autonomous Region nagpapraktice ng kanilang self-governance system at merong sariling identity bilang indigenous peoples.” Pahayag ni Carumba sa Radyo Veritas.
Nauna rito, naninindigan si Ozamis Archbishop Martin Jumoad na hindi magtatagumpay ang BBL kung ito ay eksklusibo lamang sa isang grupo.
Read: BBL, Hindi dapat maging exclusive
Matatandaang isinulong ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang pagsasabatas ng Bangsamoro Basic Law upang maitaguyod ang kapayapaan sa Mindanao subalit naantala ito nang maganap ang Mamasapano incident kung saan nasawi ang 44 na police commandos.
Inihayag naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pagnanais na maisabatas ngayong taong 2018 ang Bangsamoro Basic law at kung maaari ay malagdaan niya ito sa ika-23 ng Hulyo bago ang kanyang ikatlong State of the Nation Address sa hapon.