3,087 total views
Mga Kapanalig, karaniwang inaalala ng isang bayan ang mga mapapait ngunit mahalagang pangyayari sa kasaysayan nito sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga bantayog. Kaya naman noong Disyembre, naglagay ang National Historical Institute, katuwang ang isang pribadong foundation, ng bantayog ng isang babaeng nakapiring at lumuluha sa Baywalk Area ng Roxas Boulevard. Simbolo iyon ng mga tinaguriang “comfort women”, mga babaeng biktima ng sekswal na karahasan noong nasa ilaliim tayo ng pananakop ng mga Hapon sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Gaya ng inaasahan, tinutulan iyon ng bansang Japan.
Makalipas ang apat na buwan, naglahong parang bula ang kontrobersyal na bantayog. Ayon sa Department of Public Works and Highways, dadaanan daw ng drainage improvement project ang pinagtayuan ng bantayog, at nilinaw nitong ang lokal na pamahalaan ng Maynila ang nagtanggal niyon. Ayon naman sa lokal na pamahalaan, sinunod lang daw nila ang utos ng DPWH.
At mukhang pabor si Pangulong Duterte na alisin ang nasabing bantayog. Dalawang araw matapos alisin iyon, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi patakaran ng kanyang pamahalaang galitin ang ibang bansa—maliban na lang siguro sa Estados Unidos at European Union. Bagamat hindi raw siya tutol sa pagkakaroon ng isang bantayog para sa mga comfort women dahil bahagi raw ito ng freedom of expression, iminungkahi niyang ilipat sa isang pribadong lote ang bantayog dahil hindi raw dapat insultuhin at galitin ang bansang Japan sa pamamagitan ng pag-ungkat sa isyu ng mga comfort women. Sabi pa ng pangulo, kinilala naman na raw ng Japan ang naging pagkakamali nito—mali po ito, mga Kapanalig, dahil hindi kailanman opisyal na humingi ng paumanhin ang bansang Japan para sa kalupitang ginawa ng mga sundalo nito sa mga Pilipinang comfort women. Matagal ng hinihingi ng mga comfort women sa Pilipinas, sa pangunguna ng kanilang organisasyon, ang Lila Pilipina, ang opisyal na paghingi ng tawad at pagbabayad-danyos ng pamahalaang Japan.
Sa pag-aalis ng isang tagapagpaalala sa malupit na pinagdaanan ng mga Pilipinang inabuso noong panahon ng Hapon, mistulang isinantabi muli ang panawagan ng mga nabubuhay pang comfort women para sa katarungan at para sa pagpapanumbalik ng kanilang dignidad.
Malaki ang pagpapahalaga natin sa Simbahan sa angking dangal ng bawat tao, dahil para sa atin, nakaugat ito sa ating pagiging kawangis ng Diyos na lumikha sa atin. Sa isang liham, sinabi ni St John Paul II na ang kasalukuyang kalagayan ng kababaihan ay nag-uugat sa mahabang kasaysayan ng mababang pagtingin sa kanila ng lipunan, maging ng ilang sektor ng Simbahan. Kitang-kita ito sa sekswal na karahasang ginagawa sa kanila, sa pagturing sa kanila bilang mga “bagay” na maaari nang iwan matapos pakinabangan; ganito po ang dinanas ng mga comfort women. Kaya naman kaisa ang Simbahan sa mga panawagan para sa mga patakarang mangangalaga at magtataguyod sa dignidad ng mga babae, lalo na ang mga hakbang na ililigtas sila laban sa sekswal na karahasan.
Para sa ilan, simpleng simbolo lamang ang bantayog ng isang comfort woman sa isang lansangan sa Maynila, at wala itong mabigat na halaga. Ngunit sa isang bayang mabilis makalimot at nabubulag-bulagan sa katotohanan ng pang-aabuso sa kababaihan, sa isang lipunang walang pagpapahalaga sa kasaysayan, mahalaga ang ganitong mga bantayog, hindi upang paigtingin ang poot sa puso ng mga tao laban sa mga mapang-abuso, kundi upang mabigyan ng katarungan ang mga pinagkakaitan nito at upang hindi na maulit pa ang pagkakamali ng nakaraan.
Sa huli, mga Kapanalig, hindi natatapos sa pagtatayo ng mga bantayog ang paghanap ng katarungan para sa mga comfort women. Kailangang panatilihing maalab ito sa ating kamalayan (lalo na sa mga kabataan). At mangyayari lamang ito kung ang kanilang alaala ay pinapanatiling buháy sa ating gunita at sa kasaysayan.
Sumainyo ang katotohanan.