3,558 total views
Binigyaang diin ni Diocese of San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, D.D ang kahalagahan ng pagkakaisa sa ika-6 na general assembly ng Philippine Misereor Partnership Inc. o PMPI nitong ika-26 ng Pebrero.
Ayon sa obispo, sa pagsusulong ng ating mga adbokasiya, mahalagang kilalanin at tulungan natin ang mga pinakamahihirap at pinakamahihina sa ating lipunan.
Alinsunod din ito sa nakasaad sa Laudato Si ni Pope Francis kung saan tinukoy nito ang mga mahihirap ang pinakamahina at unang naaapektuhan ng mga pagbabagong nagaganap sa kalikasan.
“I am because we are, ‘yung interconnectedness,‘yung the power of we, because we believe if you don’t take care of the weak among us, we are also affected. We are as weak as the weakest. Hindi ba ng chain, doon siya magbi-break sa pinakaweakest, kaya alagaan dapat ‘yun. An authentic sign of love is how we take care of the vulnerable members of our community.” mensahe ni Bishop Alminaza sa pagpupulong ng PMPI.
Dagdag pa ng obispo, isang pinagmumulan ng problema ay ang pagkalimot natin na kilalalin ang isa’t-isa bilang magkakapatid.
“The root of the problems, I believe, is that we fail to recognize other as brothers and sisters. We fail to see ourselves us ‘kita’, ‘tayo’ not ‘kayo and kami’, not you and I.” mensahe ni Bishop Alminaza.
Ang pagpupulong ng P-M-P-I ay ginagawa kada tatlong taon para tukuyin ang direksyon ng gawain at adbokasiya ng grupo.
Dinadaluhan ito ng 250 miyembro na binubuo ng mga church faith-based groups, NGO’s and People’s Organization.
Sa panayam kay PMPI National Coordinator, Yolly Esguera, inihayag nito ang kahalagahan ng pagpupulong.
“Tutugunan nito ang mga isyu sa lipunan ngayon tulad ng pagkasira ng kalikasan, paglapastangan sa dignidad at karapatan ng tao, at mag-push sa gobyerno para protektahan ang mamayan sa banta ng pagbabago ng klima.” pahayag ni Yolly sa Radyo Veritas.
Batay na rin sa pag-aaral ng Global Climate Risk Index, simula 1999 hanggang 2018, pang-apat ang Pilipinas mula sa sampung mga bansang tinukoy na pinaka-naaapektuhan ng climate change.