1,103 total views
Nananawagan ang Pambansang Koalisyon ng Kababaihan sa Kanayunan (PKKK) ng katarungan para sa klima, pagkain at kalusugan sa gitna ng mga nararanasang krisis sa lipunan.
Ang panawagan ng grupo ay kasabay ng paggunita sa International Rural Women’s Day na layong kilalanin ang mahalagang tungkulin at ambag ng ‘rural women’ o mga babae sa kanayunan sa agrikultura, pagtugon sa pagkain, nutrisyon, at ang pangangalaga sa kalikasan.
Binigyang-diin ni PKKK President Janel Geconcillo, isang organic farmer mula Negros Oriental, ang hindi kinikilalang kontribusyon ng mga babae sa produksyon ng pagkain at ang pangalagaan ang mga tagalikha ng pagkain.
“Ang kalakhan ng pagkain sa buong mundo, babae ang nagprodukto. Mula sa pag-identify sa binhi na ating ipupunla papunta sa hapag-kainan na para ang ating pamilya ay makakain. Ngunit sa ating sitwasyon sa ngayon, marami ang nagugutom kahit marami ang nagpupunla,” pahayag ni Geconcillo.
Iginiit ni Geconcillo na dapat ding sikaping matulungan at matugunan ng mga kinauukulan ang suliranin na ang mga tagapagtanim ay sila pa ang higit na nakakaranas ng paghihirap at kagutuman.
Nanindigan naman si Erwinda Sarmiento mula sa mga katutubong Agusan Manobo sa pangangalaga sa inang kalikasan at ang pangangailangan ng bansa para sa food security.
“Pahalagahan natin ang ating kalikasan at ang ating pagkain dahil diyan nakasalalay ang mga kababaihan, ang ating mga komunidad, ang ating mabuting pamumuhay sa pamayanan,” ayon kay Sarmiento.
Batay sa pag-aaral ng PKKK, sa isang araw ay walo hanggang 11 oras ang ginugugol ng mga babae para sa agrikultura hindi lamang sa pagtatanim, kun’di maging sa paghahanap ng kapital, pag-aani, at paghanda at pagbebenta ng mga produkto.
Nakasaad naman sa Laudato Si’ ng Kanyang Kabanalan Francisco na karapatan ng bawat isa na maglabas ng saloobin hinggil sa mga nangyayaring hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan, kung saan ang ilan ay tinitingnan ang mga sarili na mas karapat-dapat kaysa sa ibang higit na dapat bigyang-halaga.