350 total views
Kilalanin mabuti at suriin ang track record ng mga kandidato.
Ito ang simpleng tugon at payo ni Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona sa mga botante matapos aminin ni Pangulong Rodrigo Duterte na isa lamang “campaign joke” ang kanyang pangako sa usapin ng West Philippines Sea noong panahon ng kampanya taong 2016.
Ayon sa Obispo, mahalaga ring matiyak ng mga botante na ang mga kandidato ay nagtataglay ng pangunahing katangian kabilang na ang pagiging maka-Diyos, maka-tao, maka-bayan at maka-kalikasan.
“My advice for our voters would be to get to know the candidates, and their track record. They must have the following qualities: maka Diyos, maka tao, maka bayan at maka kalikasan.” mensahe ni Bishop Mesiona sa Radio Veritas.
Bukod sa pag-amin na isa lamang “campaign joke” ang kanyang naging tugon sa tanong ng isang mangingisda ay tinawag ring “stupid” ni Pangulong Duterte ang mga naniwala sa kanyang pahayag na pagje-jetski patungong Spratlys Island upang itanim ang bandila ng Pilipinas bilang paninindigan sa pagmamay-ari ng bansa laban sa pang-aangkin ng teritoryo ng China.
Batay sa panlipunang katuruan ng Simbahan Katolika ang isang mabuting lider ay nagpapaalipin, nagpapakumbaba, matapat at tunay na naglilingkod sa taumbayan at sa kanyang mga nasasakupan ng walang halong sariling interes sa kanyang posisyon at katungkulan.
Una na ring binigyang diin ni Pope Francis sa harapan ng mahigit 150 lider sa United Nations assembly ang pagkilala sa karapatan sa pagmamay – ari ng teritoryo lalo na ng mga mahihirap na bansa.