589 total views
Ang pagboto ay isang sagradong gawain hindi lamang bilang Kristiyano kundi bilang isang Pilipino.
Ito ang binigyang diin ni Rev. Fr. Anton CT Pascual, Pangulo ng Radyo Veritas 846 kaugnay sa patas na kapangyarihan ng bawat isa na bumoto tuwing halalan sa bansa.
Ayon sa Executive Director ng Caritas Manila, bahagi ng tungkulin at responsibilidad ng bawat Pilipino ang bumoto at maghalal ng mga karapat-dapat na mga lider ng bansa na mamumuno at mangasiwa ng maayos, matino at mahusay sa pamahalaan.
“Ang pagboto ay isang sagradong pagkilos bilang Kristiyano at bilang Pilipino ito ay ating responsibilidad kung gusto natin ng isang maayos, matino, at mahusay na pamahalaan gamitin natin ang ating kapangyarihan ng boto upang tayo ay makapili ng tunay na maglilingkod sa atin.” pahayag ni Fr. Pascual sa Radyo Veritas.
Ibinahagi ni Fr. Pascual, nakasalalay sa boto ng bawat mamamayan ang pagkakaroon ng maayos na pamahalaan.
Ipinaliwanag ng Pari na sinasalamin ng mga kandidatong maihahalal ang paninindigan at desisyon ng bawat botante na pumili ng mga lider na tunay na magbabago at magpapaunlad ng kinabukasan ng bayan.
“Sabi nga nila ‘we only deserve the government that we have’ and kung magaling ang gobyerno, magaling ang bumoto at kung palpak naman ang gobyerno, tayo ang hindi bumoboto at mali ang pagboto natin kaya gamitin natin ang ating kapangyarihan na pumili at baguhin ang kinabukasan ng ating bayan.” Dagdag pa ni Fr. Pascual.
Kaugnay nito nagsimula na ang isang buwang Overseas Voting noong ika-10 ng Abril na magtatagal hanggang sa ika-9 ng Mayo upang bigyang ng sapat na panahon ang aabot sa mahigit 1.6 na milyong mga Overseas Filipino Workers na gamitin ang kanilang karapatan na bumoto.
Samantala nagsimula na rin ang tatlong araw na Local Absentee Voting mula ika-27 hanggang ika-29 ng Abril para sa mga government officials, security forces at kasapi ng media industry na maglilingkod sa araw ng halalan sa ika-9 ng Mayo, 2022.
Sa ilalim ng panuntunan ng Commission on Elections (COMELEC) para sa Overseas Voting at Local Absentee Voting ay tanging national positions lamang ang kabilang sa kinakailangang ihalal na kinabibilangan ng pangulo, pangalawang pangulo, 12-senador at isang party-list group.