18,220 total views
Kasalukuyan nang nasa Cebu City ang mga kinatawan ng Catholic Charismatic Renewal International Service (CHARIS) Asia-Oceania para sa ikalawang Continental Coordination Team Meeting at kauna-unahang Continental Youth Leaders Conference.
Sa pangunguna ni CHARIS Philippines National Coordinator Fe Barino layunin ng pagtitipon na mapalalim ang ugnayan at pagtutulungan para mapabuti ang pamamahala at mapatatag ang CHARIS network habang itinataguyod ang diwa ng pananampalataya at kapatiran.
Sa mensahe ni Cebu Archbishop Jose Palma sa pagbukas ng pagtitipon nitong July 24 muling binigyang diin ng arsobispo ang mensahe ni Pope Francis sa kahalagahan ng sama-samang paglalakbay tungo sa iisang adhikain sa landas ni Hesus.
“Let us believe that if we are open to the baptism of the Spirit, then many good things can happen. Let us believe that if we join minds and hearts in prayer, then despite many trials, we will overcome them. Let us believe that because much of our longings are also the longings of many other people, that reason is enough to give our best to believing and hoping that despite what happened, tomorrow will be better than today,” mensahe ni Archbishop Palma.
Kabilang sa mga bansang dumalo sa pagtitipon ang Australia, India, New Zealand, South Korea, Taiwan (ROC), Japan, Malaysia, Indonesia, Singapore, Qatar, Saudi Arabia, at Pilipinas.
Magtatapos ang ikalawang Continental Coordination Team Meeting sa July 26 habang ang Continental Youth Leaders Conference naman ay magtatapos sa July 28.
Ito ay kasabay din ng isasagawang kauna-unahang National Charismatic Leaders Conference sa IEC Convention Center sa Cebu City kung saan inaasahan ang humigit kumulang dalawang libong delegado mula sa iba’t ibang charismatic groups.
Ang CHARIS Asia-Oceania ay bahagi ng CHARIS International na itinatag ni Pope Francis sa ilalim ng pangangasiwa ng Dicastery for the Laity, Family, and Life habang CHARIS Philippines naman ang naglilingkod para sa lahat ng Charismatic Renewal sa Pilipinas.