361 total views
Kinilala ng opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Public Affairs ang 10-kinatawan ng Pilipinas na dadalo sa World Meeting ng Economy of Francesco.
Inihayag ni Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP-ECPA na katangi-tanging karangalan ang mapabilang sa pagtitipon na ang layunin ay isabuhay ang panawagan ng Santo Papa na lumikha ng bagong sistema sa ekonomiya na makatao at makakalikasan.
Tatlo sa 10-delegado ng Pilipinas ay sina Viory Yvonne T. Janeo, Faculty, School of Economics ng University of Asia and the Pacific, Alyssamae A. Nuñez, Faculty, School of Economics ng University of Asia and the Pacific at Diana Rueda, Faculty, School of Economics ng University of Asia and the Pacific.
Kaugnay nito, magtutungo ang Kaniyang Kabanalang Francisco sa Sabado ika-24 ng Setyembre 2022 sa Assisi Italy upang makipagdiyalogo sa mga kabataan, economic leaders at students na kabilang sa world meeting ng Economy of Francesco (EoF) Movement.
Bukod sa personal na pagpunta ng Santo Papa ay magiging tampok sa pagbisita ang paglagda ng lider ng Simbahang Katolika at mga kinatawan ng ibat-ibang bansa na kabilang sa pagtitipon sa ‘kasunduan’.
Ito ay ang kasunduan ng pagbabago o paglikha ng mga bagong sistema sa ekonomiya ng bawat isa na may pangangalaga sa kapwa at kalikasan.
Ayon sa EOF Executive Committee, ganap na alas-9 ng umaga, oras sa Vatican aalis ang Santo Papa patungo sa Assisi Italy kung saan sasalubungin at bibigyang pagpupugay ito ng mga Obispo ng Diocese of Assisi, Diocese of Foligno kasama ang mga EOF Executive Committee Members at opisyal ng pamahalaan sa Italya.
Sa panayam ng Radio Veritas, ipinagdarasal ni Aiza Asi, isang estudyanteng pinay na executive committee member ng E-O-F na maging bukas ang puso at kaluluwa ng mga kabataan sa pakikipagdayalogo kay Pope Francis.
“Panalangin ko lang ay talagang maging bukas yung puso at kaluluwa ng ating mga kabataan kasi pag na-meet natin ang Pope sa 24th he will come to meet the young people, to dialogue with us, to listen to us, so sana panalangin natin yung mga Pilipino na ito yung talagang tatatak sa puso at isipan ng mga kabataang ito,” pahayag ni Asi sa Radio Veritas
Tampok rin sa pagtitipon ang plorera na dinesenyuhan ng mga mag-aaral ng Seraphic Institute of Assisi na paglalagyan ng kasunduan ng Santo Papa at 1-libong mga kabataan, economic students at leaders.
“Hindi lang kabataan, mga kabataang ekonomista na talagang maging bukas sa panawagan ng Santo Padre, ng Banal na Espiritu at maging daan upang magkaroon nung change na gusto natin para sa ating bansa sa Pilipinas. Sana’y samahan niyo rin kami dito sa aking dasal at subaybayan niyo kami habang naglalakbay kami patungo sa isang bagay na magbabago ng ating pananaw sa ekonomiya,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Asi.
Sa world meeting ng EOF, ay hinati ang mga kinatawan sa 12-villages o grupo na tumalakay sa mga paksa at suliranin sa finance and humanity, business in transition, carbon dioxide of inequality, agriculture and poverty, energy and poverty, women for economy, business and peace, life and lifestyle, work and care, policies for happiness, management and gift at vocation and profit.