329 total views
Umapela sa mga mahistrado ng Korte Suprema ang Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) na pakinggan ang bawat argumento sa mga panganib na maaring idulot ng Anti-Terrorism Law.
Ito ang panawagan ni AMRSP Co-Executive Secretary Rev. Fr. Angelito Cortez, OFM kaugnay sa nakatakdang oral arguments sa Korte Suprema para sa mga petisyon sa pinagtatalunang batas.
“Ramdam na ramdam na natin ang bangis ng Terror Law noong wala pa, lalo na ng maisabatas. Kami sa AMRSP na kumakatawan sa hanay ng mga taong Simbahan ay nanawagan sa mga mahistrado na pakinggan ang bawat argumento na kumakatawan sa boses ng mamayang Pilipino.” Ang bahagi ng pahayag ni Fr. Angelito Cortez, OFM sa panayam sa Radyo Veritas.
Paliwanag ng Pari, bago pa man maisabatas ang Anti-Terror Law ay nasaksihan na ng lahat ang lupit ng batas na maituturing na laban sa bayan at mamamayan.
Tinukoy ni Fr. Cortez ang talamak na red-tagging sa mga lingkod ng Simbahan kabilang na sa mga madre, pari at maging sa mga layko.
Pinuna din ng Pari ang paraan ng pagpapatahimik ng administrasyon sa mga kritiko at sa mga tagapaghatid ng mga balita na hindi pabor sa pamahalaan.
Nanawagan naman si Fr. Cortez sa mananampalataya na ipanalangin ang katatagan at kaliwanagan ng isip ng lahat ng mga magtatanggol upang maipawalang bahala ang batas sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga implikasyon sa kaligtasan at kapakanan ng mamamayan.
“Nakita natin at narinig kung paano iniisa-isang i-red tag ang mga madre, pari, layko at mga kabataan. Nakita natin at narinig kung paano iparalisa ang mga institusyong naninidigan para sa katotohanan katulad ng mga paaralan. Nakita natin at narinig kung paano patahimikin ang media at ang mga tagapagdala ng balita, ito ang Terror law ang batas laban sa bayan. Ipagdasal po natin ang mga grupo at abogado na mangunguna sa pagtatangol upang ibasura ang batas na ito.” Dagdag pa ni Fr. Cortez.
Itinakda ang oral arguments sa February 2.
Sa tala ng Korte Suprema may 37-petisyon na inihain ng iba’t ibang mga sektor na kumukwesyon sa legalidad ng Anti-Terrorism Act of 2020.
Kabilang sa mga petisyon ang inihain ng AMRSP bilang kinatawan ng mga relihiyoso at mga layko ng Simbahang Katolika dahil sa paglabag ng Anti-Terror Law sa Freedom of Religious Expression.
Makailang-ulit nang naparatangang kalaban ng pamahalaan ang ilang mga lider ng Simbahan dahil sa pagpuna sa paraan ng pamamahala sa bansa.