221 total views
Hangad ng mga kinatawan ng Simbahang Katolika na mas maging epektibo ang mga programa nito para sa nangangailangan.
Ito ang layunin ng katatapos lamang na 14-month transformational leadership program kung saan ilang mga Social Action Directors at Church Workers ang nagtapos sa pangunguna ng NASSA/Caritas Philippines.
Ayon kay Rev. Fr. Edu Gariguez, Executive Director ng NASSA/Caritas Philippines, layunin ng programa na bigyan ng karagdagang kaalaman ang mga Social Action Directors and Coordinators sa iba’t-ibang Diyosesis sa bansa kung paano pamunuan o magpatupad ng mas malago at matagumpay na mga programa para sa mga nangangailangan.
Aminado si Fr. Gariguez na ilan sa mga Kaparian at Layko na naglilingkod sa Simbahang katolika ang nangangailangan ng karagdagang kaalaman sa mga social services at humanitarian response dahilan kaya’t isinagawa nila ang nasabing proyekto.
“Lead to Heal was conceptualized in 2015 out of the real need of the dioceses, particularly the directors, who at that time were faced with the immensity of the task in the Typhoon Yolanda rehabilitation.” pahayag ni Father.
Kaugnay nito, naniniwala si Rev. Fr. Rex Paul Arjona, Social Action Director ng Diocese of Legaspi na malaki ang maitutulong ng nasabing certificate program lalo na sa kanilang lalawigan dahil sa kanilang programa ngayon para sa mga drug surrenderees.
Magugunitang ang Pilipinas ay binubuo ng 85 Dioceses kung saan bawat isa ay mayroong Social Action Center na siyang namamahala sa mga social services at humanitarian programs ng Simbahan.
Ang pagsailalim sa nasabing programa ng mga kinatawan ng Simbahang Katolika ay pinondohan ng Caritas Belgium at Caritas Española.