366 total views
Hindi magtatagal ang anumang benepisyong nakukuha mula sa pagmimina at pag-gamit ng mga coal fired power plant.
Ito ang isa sa pagninilay ni Apostolic Vicariate of Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa misang kaniyang pinangunahan bilang paggunita ng Kapistahan ng Mahal na Poong Hesus Nazareno at Pagbibinyag kay Hesu’ Kristo.
“Kung may benepisyo man na binibigay ang mining at coal power plants, yan ay pansamantala lamang at nakapanirang resulta nito ay pang matagalan,” ayon sa Obispo.
Panghihimok pa ni Bishop Pabillo, naway itatwa ng bawat mamamayan ang mga pinunong kumikitil sa buhay ng kanilang mga nasasakupan at patuloy na sumisira sa kalikasan higit na ngayong nalalapit na ang 2022 National and Local Election na siyang maghahalal ng mga bagong pinuno ng bansa.
“Ipakita natin ang ating misyon para sa kaligtasan ngayong naghahanda tayo sa halalaan, at sa halalan mismo wag tayo makiisa sa mga taong sinungaling at nanloloko, itatwa natin ang mamamatay tao o nagpapapatay ng mga tao, huwag nating kampihan ang mga naninira sa kalikasan tulad ng pagsulong ng mining at coal powered plants,” ani Bishop Pabillo.
Inalala din ng Obispo ang naging karanasan sa pananalasa ng Bagyong Odette kung saan labis na napinsala ng bagyong ang Hilagang bahagi ng Palawan.
Pagbibigay Diin ng Obispo, nang dahil sa climate change na idinudulot ng gawaing nakakasira sa kalikasan ay tuluyan naring nagbago ang mga panahon at klima sa isang lugar.
“Ang palawan ay hindi binabagyo, pero ngayong december dinalaw kami ni odette at malaki ang kapinsalaan na ginawa sa northern palawan, ito po ay climate change na, talagang nagbabago ang panahon, nagbabago ang klima, dahil sa mga polisiya na mapaninira polisiya ng mga tao na nakasisira sa kalikasan,” ayon pa kay Bishop Pabillo.
Una naring pinagtibay ng Alyansa Tigil Mina (ATM) ang pahayag na ito ng Obispo dahil narin sa pagbabansag ng pamahalaan sa pagmimina bilang isa sa mga esensyal na industriya upang makabangon ang naluging ekonomiya ng Pilipinas.
Pagbibigay diin ni ATM National Coordinator Jaybee Garganera, sa nakalipas na tatlumpung taon ay wala pa sa isang porsyento ang naitulong ng pagmimina sa sektor ng ekonomiya.