445 total views
Mga Kapanalig, sa panahong ito, hindi na tayo nagugulat sa matitinding bagyong dumadaan sa ating bansa katulad ng huling bagyong tumama sa atin, ang Super Typhoon Karding.
Walong kababayan natin ang iniulat na namatay—kasama ang limang rescuers na naipit sa flash flood sa Bulacan. Nakikiramay tayo sa kanilang naiwang mga pamilya, at ipinagdarasal natin ang kapayapaan ng kanilang mga kaluluwa.
Libu-libo naman ang inilikas mula sa kanilang mga tirahang nasa delikadong mga lugar. Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot sa mahigit 11,000 pamilya o lampas 45,000 katao ang namalagi sa mga evacuation centers sa kasagsagan ng bagyo. Dasal nating magkaroon sila ng lakas ng katawan at lakas ng loob upang bumangong muli sa trahedyang kanilang naranasan.
Pinakamatindi naman ang epekto ng bagyo sa sektor ng agrikultura. Dinaanan ng Bagyong Karding ang Gitnang Luzon na pangunahing rehiyong nagpo-produce ng palay. Tinatayang nasa mahigit 160 milyong piso ang halaga ng nasirang mga pananim. Siguro naman ay may plano para sa ating mga magsasaka ang Department of Agriculture, na pinamumunuan mismo ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr.
Bagamat sanay na tayong bisitahin ng mga bagyo, ang malalakas at mapaminsalang mga bagyo, katulad ng Bagyong Karding, ay sinasabing bunga ng climate change. Mismong si Pangulong Marcos Jr na nga ang nagsabi sa kanyang talumpati sa United Nations General Assembly na “uneven” ang mga epekto ng climate change. Ibig sabihin, ang mga bansang kakatiting lamang ang kontribusyon sa tinatawag na greenhouse gases, na sanhi ng pag-init ng ating planeta, ay dumaranas ng pinakamatitinding epekto ng pagbabago ng klima. “Those who are least responsible suffer the most,” aniya. Mapangangatawanan kaya ng kasalukuyang administrasyon ang mga binanggit ng pangulo sa UN tungkol sa climate justice?
Bago pa man ang talumpating iyon ng ating presidente, matagal nang nananawagan ang maraming grupo ng tinatawag na climate justice. Kinikilala ng climate justice na ang problema sa climate change ay hindi lamang problemang pangkalikasan. Nakaugat din ito sa mga isyung panlipunan at pampulitika. Kinikilala nitong magkakaiba ang epekto ng pagbabago ng klima sa mga bansa, bayan, at komunidad, at na nasa ilang mga bansa at mga negosyo ang mas mabigat ang responsibilidad upang tugunan ang krisis na ito. Kinikilala rin ng climate justice na mas pinatitindi ng climate change ang kawalang katarungang dinaranas ng mga matagal nang isinasantabi, katulad ng mga magsasaka, maliliit na mangingisda, at maralitang tagalungsod.
Ang masaklap pa, wala na nga tayong kakayanang proteksyunan ang sarili natin laban sa mga epekto ng climate change, patuloy ang pag-abuso sa ating kalikasan at mga likas-yaman. Tila katulad ng sinasabi sa Genesis 6:5, “laganap na ang kasamaan ng tao sa daigdig.” Ginagawa ito ng malalaking industriyang pagmamamay-ari ng mga dayuhan, kasabwat ang mga lokal na negosyante at maging ng gobyerno. Nariyan ang pagmimina, pagtotroso, at malalawak na plantasyon. Paano natin makakamit ang climate justice kung mismong mga nasa poder ang nagpapahintulot at nakikinabang sa pagsira sa ating kalikasan?
Sa kanyang ensiklikal na Laudato Si’, inihalintulad ni Pope Francis ang pagtangis ng daigdig sa pagtangis ng mahihirap. Hindi lamang ito pagtangis dahil sa sakit at pagdurusa; pagtangis ito upang magising—at kumilos—ang mga responsable sa pagsira sa kalikasan at sa paghihirap ng mga pinakaapektado ng climate change. Kasama ang Simbahan sa pagkalampag sa mga nagpapatindi ng climate change, ngunit marami pa tayong kailangang gawin kasabay ng pagtulong sa mga kababayan nating nasasalanta ng mga kalamidad katulad ng Bagyong Karding.
Kaya mga Kapanalig, huwag lang tayo masanay sa paulit-ulit na mga bagyo at sa paulit-ulit na pagbangon mula sa mga kalamidad. Sanayin din natin ang ating mga sariling laging iugnay ang climate change sa usaping pangkatarungan.