277 total views
Kapanalig, hindi natin maitatanggi—ang internet na ang naging takbuhan ng maraming mga bata para sa laro, pakikipag-kaibigan, at syempre pag-aaral. Maganda sana ito dahil nakikita natin na digitally ready na ang mga bata. Ito na rin naman ang future ng maraming trabaho sa ating bayan.
Ang UNICEF ay may ginawang pag-aaral kamakailan kung saan kanilang sinaliksik ang karanasan ng mga kabataang Filipino sa internet, paano nila ginagamit ito, at ano ang mga benipisyong nakukuha nila dito.
Ayon sa pag-aaral, ang social media ang platapormang laging ginagamit ng mga bata, gaya ng Facebook, Youtube, at Instagram. Kadalasan pa nga, napagpapalit nila ang mga terminong social media at internet – kumbaga para sa marami sa kanila, ang social media ay internet na, sa halip na isang bahagi lamang ito ng pagkonekta sa internet. Kadalasan nila itong ginagamit para makasama ang mga kaibigan nila o para sa pag-aaral. Pag kasama nila ang kaibigan, kadalasan gamit nila ang messaging app, o di kaya mga online games, o mga networking apps. Tatlo sa sampung bata ang nakikipaglalaro sa mga multiplayer games sa Internet. Isa naman sa dalawang bata ang nagsasabi na ginagamit nila ang internet para sa kanilang pag-aaral kada linggo, o minsan halos araw araw pa. May mga batang nagsasabi—mga apat sa sampu—na mas komportable sila online kaysa sa mga face-to-face interactions. Pero, marami pa rin ang nagsasabi na pakiramdam nila, hindi sila safe online.
Kapanalig, kung ating pagninilayan ang pag-aaral na ito, makikita natin na kailangan ng kabataan ang ating gabay pagdating sa pag-gamit ng internet. Minsan, naka-focus tayo sa mga masasamang makikita online, pero hindi natin nabibigyan diin ang magagandang aspeto nito. Pwede natin ipakita sa mga bata ang mga makabuluhan at magandang content na kanilang magagamit mula sa iba’t ibang educational websites, upang hindi lamang sila naka-focus sa facebook o sa tiktok.
Ang internet kapanalig, ay kaban ng knowledge o kaalaman. At sa panahon natin ngayon, knowledge is wealth, knowledge is power. Hindi ba’t ang terminong knowledge economy ay matunog ngayon? Ang pagdating ng digital age ay napabilis sa buong mundo dahil na rin sa epekto ng pandemya sa sandaigdigan. Ang mga bansang may malawak na kaalaman at may kakayahan na ilapat o i-apply ang kaalaman na ito sa ating lipunan ang siyang nauuna sa pagbangon mula sa pandemya.
Panahon na kapanalig, upang linangin natin ang Internet para sa mas malawakang kabutihan ng mga kabataan. Ituro natin sa kanila na hindi lamang social media o games ang maaring makita dito. Tulungan natin silang gamitin ito ng wasto. Palakasin natin ang access nila dito upang abot kamay nila ang kaalamang libre sa Internet. Ito ay bahagi ng panlipunang katarungan dahil ang kaalamang ito ay tutulong sa kanilang makatakas sa kahirapan. Ayon nga sa Evangelii Gaudium, huwag nating pairalin ang ekonomiya ng ekslusyon kung saan ang mahina at nasa laylayan ay walang makikitang posibilidad at pag-asang makalaya sa karalitaan.
Sumainyo ang Katotohanan.