446 total views
‘Karapatan ng lahat na hangarin ang komportableng buhay.’
Ito ang naging pahayag ni Bishop Emerito ng Novaliches, Bishop Teodoro Bacani matapos lumabas sa pag–aaral ng National Economic Development Authority o NEDA na 80 porsyento ng mga Pilipino ang may gusto ng simple at komportableng buhay.
Hiniling naman ni Bishop Bacani na nawa ay siyento porsyento ng mga Pinoy ang maghangad ng kumportableng buhay kaakibat ang paggawa ngunit aniya marami pa rin sa kababayan natin ang kuntento na sa sa hindi kumportableng buhay makaraos lang sa pang– araw–araw nilang gastusin.
“Maganda ang labas ng Pilipino diyan kung 80 percent naghahanap ng komportableng pamumuhay. Gusto ko pa sana maghangad pa ang nasa siyento porsyento ng kanilang pamumuhay na komportable. Kaya lang para sa maraming Pilipino masaya na sila kahit na hindi masyadong kumportable, mabuhay lang ng matiwasay. Pero may karapatan ang bawat isa na hangarin ang kumportableng buhay man lang,” bahagi ng pahayag ni Bishop Bacani sa Radyo Veritas.
Binalaan naman ni Bishop Bacani ang pananaw ng iba sa mga Pilipino ukol sa simpleng pamumuhay na ang iba ay nagnanais naman ng maluhong buhay.
“Yung simpleng pamumuhay iba – iba ang taste ng tao diyan gusto ng maluho ng kaunti, yung iba gusto ng simple lang. Pero yung 80 opercent ng simpleng pamumuhay maganda rin naman,” giit pa ni Bishop Bacani sa Veritas Patrol.
Samantala, batay naman report ng NEDA na tinawag na “Ambisyon Natin 2040”, kabilang sa bahagi ng simple at comfortable life na nais ng mga Pinoy ay ang maidaos sa kolehiyo ang mga anak, matustusan ang araw-araw ng gastusin, magkaron ng negosyo, may oras para sa pamilya at kaibigan, at minsanang makapagbiyahe.
Nabatid na nasa 10 libo na respondents ang lumahok sa nasabing survey ng NEDA na layong makabuo ng pag-aaral sa kung paano makakamit ang mga layunin sa susunod na 25 taon.