12,250 total views
Umaasa ang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mabuting intensyon sa isinisagawang imbestigasyon ng Mababang Kapulungan upang alamin ang katotohanan at kaugnayan ng ilegal na Philippine Offshore Gaming (POGO), paglabag sa karapatang pantao, Extra Judicial Killings, at illegal drugs na nagsimula sa nakalipas na administrasyong Duterte.
Ayon kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng Episcopal Commission on Public Affairs ng CBCP, dapat na ipagpatuloy ang pagdinig kung ang intensyon ay mawakasan at matukoy ang mga may kinalaman sa mga ilegal na gawain.
“Kung ang imbestigasyong ginagawa ay para tuluyan ng wakasan ang POGO at matukoy kung sino ang mga taong nasa likod ng EJK, marapat lamang na ipagpa-tuloy ang Quad Committee investigation sa House of Representatives,” ayon kay Fr. Secillano.
“Hindi na dapat mag-atubili ang mga Kongresista at magpaligoy-ligoy pa. Alamin at papanagutin sana ang mga may kinalaman sa mga mapang-abusong gawain laban sa bansa at kapwa nating Pilipino,” dagdag pa ng pari.
Sa bisa ng resolusyon na pinagtibay sa Kamara, nilikha ang Quad Committee o pagsasama-sama ng apat na panel na nag-iimbestiga sa mga usapin kaugnay sa POGOs, extra judicial killings, karahasan, katiwalian, ilegal na droga at ang pagdagsa ng mga Chinese sa Pilipinas -na pawang may kinakaharap na kaso sa kanilang bansa at nagmamay-ari ng mga lupain sa bansa.
Ang QuadCom ay binubuo ng mga komite ng Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Rep. Robert Barbers, ang Committee on Human Rights ni Rep. Bienvenido Abante, Committee on Public Order and Safety ni Rep. Daniel Fernandez, at ang Committee on Public Accounts na pinamumunuan naman Rep. Joseph Stephen Paduano.
Ginanap naman ang kauna-unahang pagdinig ng joint committee sa Bacolor, sa lalawigan ng Pampanga, ang probinsya kung saan ilang POGO hubs ang sinalakay ng mga otoridad, nakakumpiska ng bilyong pisong halaga ng ilegal na droga.
Binanggit ni Barbers sa kaniyang opening statement, nais matukoy ng joint panel ang POGO ay nagsilbing daan sa mga ilegal na gawain at kriminalidad sa bansa, na ang ilan ay binibigyang proteksyon pa ng ilang mga tiwaling pulis, at opisyal ng pamahalaan.
“POGOs, introduced under the guise of generating much-needed revenue, have instead revealed themselves as a curse, becoming gateways for syndicate members to enter the country as legitimate visitors, investors, or even citizens. This has been made possible by the countless agencies that issue visas and permits for a price, allowing these criminals to operate freely and with the protection of certain members of our own law enforcement agencies,” ayon kay Barbers.
Binigyan diin ng mambabatas na hindi maisasakatuparan ang mga ilegal na gawain na ito nang walang kasabwat na mga opisyal, kawani at pulis sa bansa.
Ayon pa kay Barbers, “As a result, drugs continue to flow into our country, and POGOs have become hubs for all manner of criminal activity, including kidnapping, murder, human trafficking, money laundering, and cybercrimes.”