153 total views
Muling kinondena ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang Mababang Kapulungan ng Kongreso kaugnay sa pagbibigay ng isang libong pisong budget para sa Commission on Human Rights (CHR) sa susunod na taon.
Ayon kay CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People Chairman at Balanga Bishop Ruperto Santos, kapabayaan at pagtalikod sa buhay na kaloob ng Panginoon ang pagkakait ng pondo sa lupon na nangangalaga sa karapatang sibil at politikal ng bawat Filipino.
“As elected officials their mandate is to make the life of every Filipino peaceful and prosperous, their lives stable and secured. And we can achieve these by promoting sustaining human rights. So they must not withhold budget for CHR. To withhold it, is to neglect life,” pahayag ng Bishop Santos.
Dismayado rin ang Obispo dahil sinasalamin ng ginawang hakbang ng Kongreso na mas binibigyang-prayoridad ng pamahalaan ang pagsasantabi sa buhay sa halip na pangangalaga nito.
“Their priority is not to value, not promote and not to preserve human life. With their decision, they give wrong signal that for them life is cheap,” dagdadg ni Bishop Santos.
Sa resulta ng isinagawang botohan ng mga mambabatas noong ika-12 ng Setyembre, 119 na kongresista ang pumabor na ibaba sa isang libong piso ang 2018 budget ng CHR habang 32 naman ang nagpahayag ng kanilang pagtutol dito.
Itinatag sa ilalim ng 1987 Constitution, ang CHR ay isang ‘independent office’ na pangunahing nangangalaga sa karapatan ng bawat indibidwal mula sa pang-aabuso ng estado kabilang na ang mga pulis at militar.
Una nang tinawag ni CBCP-Episcopal Commission on Mission Chariman at Sorsogon Bishop Arturo Bastes na ang pagbibigay ng isang libong pisong budget sa CHR ang pinakakahiya-hiya desisyon na ginawa ng kongreso.
Read: Isang libong pisong budget sa CHR, nakakahiyang ginawa ng Kongreso