1,575 total views
Wala nang mababago sa inilabas na pasya ng Supreme Court na nagdedeklarang hindi naayon sa batas ang ginawang pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Ayon kay Dr. Arwin Serrano ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na sa kabila ng desisyon ay masusunod pa rin na ipagliban ang nalalapit na barangay election ngayong Oktubre na dapat sana ay naganap noong Disyembre ng nakalipas na taon.
Panawagan naman ni Serrano sa Mataas na Hukuman ang kagya’t na pagbibigay sa mga petisyon na hinahain sa korte na nangangailangan ng mabilis na katugunan.
“Sana sa mga susunod na mga inilalapit sa Supreme Court, ito’y maaktuhan agad sana. Kasi in fact ang gusto ng abogado na ‘yun ay maisagawa ang eleksyon ng Mayo. Pero lumagpas na nga ang Mayo, kaya it’s moot and academic na talagang susundin ‘yung ninais na petsa ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa darating na October 30.” paliwanag ni Serrano.
Ipinaliwanag ng opisyal ng PPCRV na layunin ng nagsumite ng petisyon na hadlangan ang mga mambabatas na baguhin ang petsa ng halalan alinsunod sa nilalaman ng Saligang Batas.
“Magdadalawang isip na ang kongreso sa pagpapaliban ng mga susunod na naka-schedule na Barangay at SK elections. Magkakaroon din ito ng implikasyon sa tinatawag natin na hold over capacity or in-acting capacity kasi ayaw naman natin na itong natapos na ang termino ay namumuno pa rin sa respective barangay.” ayon kay Serrano.
Una na ring kinatigan ni Albay 1st district Representative Edcel Lagman ang pasya ng Mataas ng Hukuman na nagdedeklarang labag sa Salitang Batas ang pagpapaliban ng halalan.
Si Lagman ay kabilang sa ilang mambabatas na tutol na pagpapaantala sa eleksyon.
“The SC decision also supports our contention that the purported reason for the postponement to transfer funds earmarked for the BSKE to pandemic response violates the constitutional ban on the transfer of funds.” ayon sa pahayag ni Lagman.
Ayon pa sa inilabas na desisyon ng hukuman, kinakailangan isagawa na ang halalan ngayong taon subalit, kinakailangang ipatupad ang halalang pangbarangay sa unang Lunes ng Disyembre sa taong 2025 at pagdaraos ng eleksyon tuwing ikatlong taon.
Naniniwala naman si Lagman na ang desisyon ng Mataas na Hukuman ay magsisilbing babala sa mga mambabatas sa muling pagtatangkang ipagpaliban muli ang halalan sa hinaharap ng walang sapat na dahilan.
“This ruling will now foreclose any capricious and unnecessary attempt of the Congress to postpone future BSKE’s,” ayon sa mambabatas.
Sa kasalukuyang ay may 43-libo ang mga barangay sa buong bansa, na ayon sa batas ang mga opisyal ay maglilingkod sa loob ng tatlong taon na maaring mahalal ng hanggang sa tatlong termino o kabuuang siyam na taon.