1,547 total views
Magpatupad ng mga polisiyang tunay na tutulungang mapabuti ang sektor ng ekonomiya.
Ito ang apela ng mga kinatawan ng Economy of Francesco (EOF) Philippines at Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER) kay Pangulong Ferdinand Marcos Junior sa World Economic Forum (WEF) na idinadaos ngayong January 16 hanggang 20 sa Davos Switzerland.
Umaasa ang mga Faculty ng University of Asia and the Pacific na sina Viory Janeo at Diane Rueda na isulong ng punong Ehekutibo ang mga economic reform na mayroong pangangalaga sa kalikasan.
Hangad rin ng mga kinatawan ng EOF Philippines na sa isulong ni Pangulong Marcos sa WEF ang pagpapadali sa mga proseso upang makamit ng mga Pilipino ang ibat-ibang uri ng social services ng pamahalaan.
“Ang ating economic growth ay hindi masustain sa kalayunan kapag hindi tayo maging maingat at maayos sa paggamit ng ating likas na yaman, kasabay ng pagsulong ng ating adbokasiya para mapabilis ang pag-unlad ng ating ekonomiya, ganun rin sana ang ating pagtanaw sa ating likas na yaman — at sana ito ay gamitin natin always thinking of the present and at the same time, the future generation”.mensahe ng EOF-Philippine Advocates sa Radio Veritas.
Ayon naman kay Rochelle Porras – Executive Director ng EILER na mahalagang bigyang prayoridad ng Punong Ehekutibo ang pagtataas ng suweldo ng mga manggagawa sa Pilipinas.
Iginiit ni Porras na hindi na makaahon ang mga mahihirap dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo na noong Disyembre 2022 ay umabot sa 8.1%.
“Ang panawagan naman dito magkaroon ng makabuluhang Economic Policy changes especially patungkol sa sahod at presyo dito sa Pilipinas”.pahayag ni Porras sa Radio Veritas
Ang World Economic Forum ay ang pandaigdigang pagtitipon ng mga World at Economic Leaders na isinasagawa taon-taon na nagsimula noong 1971.