312 total views
Hinimok ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on the Laity ang mga mananampalataya na gawing makabuluhan ang paggunita sa kwaresma sa pamamagitan ng pangangalaga sa kalikasan.
Ayon kay Manila Auxiliary Bp. Broderick Pabillo Chairman ng CBCP-ECL na ang pagbabago sa naka-ugaliang pamumuhay tulad ng pag-iwas sa magastos na pagbili ng mga gamit ay makatutulong upang mabawasan ang kalat sa kapaligiran.
“Ngayong panahon ng kwaresma isa sa pangangalaga sa kalikasan ay yung pagbabago ng lifestyle, na hindi tayo magpadala sa consumerism na gastos ng gastos lang kasi yan din ay nagdadala ng maraming basura sa atin,” pahayag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Bukod dito, pinayuhan din ng Obispo ang mamamayan na iwasan ang pagkain ng karne bilang bahagi na rin ng pagaayuno sa panahon ng pagpapakasakit ng Panginoong Hesus.
Ayon kay Bp. Pabillo, bukod sa hindi ito makabubuti sa kalusugan, ang mga pinaglalagyan nito ay plastic wrappers na nagiging kalat sa kapaligiran.
Sa halip, makabubuti ayon sa Obispo na magtanim ng mga halaman at gulay na hindi lamang makatutulong sa kalikasan kundi makabubuti lalo’t higit sa kalusugan ng mamamayan.
“Isa din yan sa panawagan sa atin na sana bawas bawasan natin yung mga pagkain, lalong lalo na yung mga karne, yung pagkain ng mga may preservatives, yun ay maraming mga usually mga wrappers mga plastics at hindi naman malusog para sa atin yan so unti unti sa ating pagkain gayundin sa ating pamumuhay ay makakatulong tayo n’yan sa kalikasan. Syempre yung pagtatanim kahit na dito sa urban area yung urban farming ay makakatulong din sa atin yan,.”dagdag ni Bishop Pabillo.
Sa Laudato Si ni Pope Francis, hinikayat nito ang bawat tao na simulan sa pagbabago ng lifestyle ang ecological conversion na kinakailangan ng mundo, na magiging mas epektibo lamang sa pamamagitan ng pagkakaisa ng bawat mamamayan o community conversion para sa iisang adhikaing protektahan ang san nilikha.
Ngayong taon, inaasahan ng Simbahang Katolika na mayroong 93 porsiyento ng populasyon ng bansa o may kabuuang 86.8 milyung mga Filipino na Katoliko ang gugunita sa panahon ng kwaresma, bilang pagpapakita ng pagbabalik loob sa Panginoon at sa tungkuling pangalagaan ang kanyang nilikha.